SAN ANTONIO — Pinaulanan ng tres ng San Antonio Spurs ang Miami Heat para manalo, 113-77, sa Game Three ng NBA Finals kahapon sa AT&T Center dito.
Lamang na ng 2-1 ang Spurs sa best-of-seven series na ito at ang Game Four ay lalaruin bukas sa San Antonio.
Sa panalong ito ay hindi na kinailangan pa ng San Antonio na umiskor ng malaki ang Big Three nitong sina Tim Duncan, Manu Ginobili at Tony Parker. Kahapon ay ibang “Big Three” ang umusbong para sa Spurs. Ito ay sina Danny Green, Gary Neal at Kawhi Leonard.
Si Green ay tumapos na may 27 puntos at tumira ng 7-of-9 mula sa three-point area. Si Neal naman ay may 24 puntos at tumikada ng 6-of-10 mula sa tres at si Leonard ay tumapos na may 14 puntos, 12 rebounds at tumira ng 2-of-3 mula sa three-point area.
Si Duncan ay nag-ambag naman ng 12 puntos at 14 rebounds habang sina Ginobili at Parker ay may pinagsamang 13 puntos lamang.
Matapos mag-rally ang Miami at makatabla sa 44-all ay sinara ng San Antonio ang first half sa pagbuslo ng back-to-back triples mula kina Parker at Neal. Sa third period ay nagpatuloy ang mainit na paglalaro ng Spurs na umabante ng 75-54, may 1:50 pang nalalabi sa quarter.
Sa pagbubukas ng final period ay tumira agad ng magkasunod na tres si Neal para pasimulan ang 13-0 run na nagbigay ng 28 puntos na abante sa San Antonio, 91-63.
Hindi na nakabangon pa ang Heat at ipinagpahinga na ang kanyang mga star players may 5:43 pa ang nalalabi sa laro.
Sa kabuuan ay tumira ng 16-of-32 ang Spurs mula sa three-point area habang ang Heat ay 8-of-18 lamang dito. Nadomina rin ng Spurs ang rebounding department, 52-36, kabilang ang 19-9 bentahe sa offensive boards.
Nagkamit naman ng mas maraming turnovers ang Heat, 16-12, sa laro.
Si Dwyane Wade ay may 16 puntos para sa Heat habang sina LeBron James at Mike Miller ay parehong may 15 puntos para sa Miami.
Sa Game Two noong Lunes ay tinambakan ng Heat ang Spurs, 103-84, habang nagwagi naman sa Game One ang San Antonio, 92-88. Ang unang dalawang laro ay ginanap sa Miami habang ang Games Four at Five ay sa San Antonio lalaruin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.