Sey mo Nadine: Phoebe Walker konserbatibong sexy actress, ayaw makipag-live in sa boyfriend
INAMIN ng lead actress ng pelikulang “Double Barrel” na si Phoebe Walker na nag-alay ang pamilya niya ng misa sa Antipolo Church, ang kanilang dasal, sana kumita ang pelikula nila ni AJ Muhlach mula sa Viva Films.
Unang beses itong ginawa ng baguhang aktres at ang katwiran niya, “Wala po kasing kasiguraduhan kaya nagpamisa po kami ng family ko, first time lang po, kasi feeling ko ito ‘yung movie na lead talaga, tapos Viva pa ang nag-produce and it’s the first film na kasama sa 12 picture contract ko na pinirmahan sa kanila in five years.”
Matagal na raw kasi sa showbiz si Phoebe, una siyang lumabas sa PH Care TV commercial kasama si Ellen Adarna na hindi pa kilala noon at si Kim Chiu na kalalabas lang ng PBB hous. Sa madaling sabi ay napag-iwanan na siya after 10 years.
“I was 15 then when I did the commercial, tapos hindi naman po nagtuloy saka at that time, my mom told me to finish first my studies so sumunod naman po ako,” kuwento ng dalaga nang makausap namin sa presscon ng “Double Barrel”.
Sa Ateneo de Manila University nagtapos si Phoebe ng kursong AB European Studies major in Business noong 2011 at nagtrabaho siya ng isang taon sa Philippine Olympic Committee.
“Inamin ko po sa sarili ko na gusto kong mag-showbiz and kaya ko, mahilig po talaga akong manood ng movies, manood ng TV sa ABS-CBN. Pero may doubt po ako na baka hindi ako makapasok kasi wala naman akong pamilya sa showbiz.
“Pero lahat po ng energy ko, showbiz oriented kasi since high school po, nagpe-perform, nagho-host, so doon ko gustong ibuhos lahat, wala naman po akong ibang alam gawin,” kuwento ng dalaga.
Kaya umaasa siya na sana’y kumita ang “Double Barrel” para magtuluy-tuloy ang career niya. Kung sakali namang wala talagang mangyari sa career niya, puwede niyang magamit ang natapos niyang kurso at posibleng magturo raw siya sa ibang bansa.
q q q
Samantala, may love scene sina Phoebe at AJ sa “Double Barrel” at dahil galing sa konserbatibong pamilya ay hindi ba siya nasita ng magulang niya?
“May tiwala naman po ang family ko sa akin, alam naman po nila na work lang. Open minded din po kasi ako kasi hindi naman ako dito lumaki, sa Hongkong po ako ipinanganak so I’m holding Hongkong citizen, kami ng kapatid ko. Doon po kasi nagkakilala ang parents ko. My mom is a Filipina (Ilokana) and my dad is British,” kuwento ng aktres.
Nasa ikaapat na grado na siya sa elementarya noong nagdesisyong sa Pilipinas na sila manirahan ng kapatid at nanay niya. Naiwan naman sa Macau ang tatay niya.
“May work po kasi si dad sa Olympic Council of Asia so busy siya kung saan po may events,” sabi ni Phoebe.
At dahil matagal ng hindi nagsasama ang magulang niya, “Parang platonic na lang po sila, but they’re not separated. Wala rin pong ibang family on both sides. And may financial support naman po eversince na dumating kami rito. I’m very blessed po ako sa family ko,” saad pa ng dalaga.
Isang taon nang may karelasyon si Phoebe at mas matanda sa kanya ng limang taon ang guy at inamin ng dalaga na hinihintay na lang siya ng boyfriend niya kung kailan siya handang magpakasal.
Kaya tinanong namin kung naniniwala sa live-in si Phoebe tulad ng kapwa niya Viva Artist na si Nadine Lustre.
“Well nowadays people do live-in naman na before marriage, di ba? Pero ako po, hindi naman kasi I live with my family. If ever na niyaya ako, parang nasa gitna po (desisyon). Parang there’s something na okay sa akin, parang something na too much for me, pero feeling ko hindi ako papayag kasi hindi po ako papayagan ng mommy ko. Kasi ako ‘yung eldest at tatlo na lang kami sa bahay. And I want to set an example for my sister also, so it’s a no!” paliwanag ng baguhang aktres.
Ano ang reaksyon ni Phoebe sa “yes to live in” statement ni Nadine? “Iba-iba naman po ‘yung perception ng tao. Kung anong okay sa iyo as long as okay naman sa support group mo, sa family mo, why not? Life is too short, so dapat happy-happy lang,” sagot ng dalaga.
Anyway, mapapanood na ang “Double Barrel” sa Agosto 9 mula sa Viva Films na idinirek ni Toto Natividad. Makakasama rin nina AJ at Phoebe rito sina Jeric Raval at Ali Khatibi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.