AJ Muhlach pasadong Action Prince
TIYAK kaming hindi nagsisisi ang Viva Films producer na si Boss Vic del Rosario nang sugalan niya si AJ Muhlach sa “Double Barrel” dahil talaga palang may ibubuga bilang action star ang binata.
Bagama’t baguhan si AJ sa larangan ng aksyon, kitang-kita ng manonood ang angas at iba pang quality ng isang action star sa pagganap niya sa pelikula na showing na ngayon sa mga sinehan.
Kaya tama ang desisyon ni AJ na magpalit na ng genre in terms of acting na unang nakilala bilang miyembro ng grupong XLR8 at bumida rin sa iba’t ibang romcom movies at drama series ng TV5 noon.
Mahusay pumutok si AJ na gumanap ngang drug pusher/user/police asset at asawa ni Phoebe Walker na tadtad ng tattoo na bumagay naman sa kanya. Isa sa highlight ng pelikula ay nang tumakas siyang naka-underwear lang at tumakbo-takbo sa bubong. Malaki ang naitulong ng pagte-training niya ng Pekiti sa mga habulan at streetfight niya sa mga pulis na humuhuli sa kanya.
Ang ganda rin ng katawan ng aktor dahil nga matagal itong nakabilad at sabi nga niya noong makausap namin, “Kung may ipapakita naman, bakit hindi, di ba?”
Okay din ang acting ni Phoebe lalo na sa barilan dahil mahusay din siyang magpaputok tulad ni AJ at puwede rin siyang maging action star at lumebel kina Angelina Jolie at Charlize Theron.
Naikumpara namin ang acting ni Phoebe sa “Double Barrel” at sa “Seklusyon” kaya medyo nakulangan kami sa exposure ng dalaga sa kanilang action movie. Baka kasi support lang talaga siya kay AJ kaya hindi siya pinresyur ng direktor nilang si Toto Natividad na ilabas ang heavy acting dahil kailangang hindi niya matabunan ang mga lalaki sa pelikula.
Nagustuhan namin si Ali Khatibi dahil bukod sa maganda ang “audio” niya ay natural din ang kanyang akting bilang pulis na double crosser na parehong inonse sina AJ at superior nitong si Jeric Raval.
Magaling na acting coach ni Ali ang asawang si Cristine Reyes dahil nagamit niyang lahat ito sa pelikulang “Double Barrel” tulad ng vargas na pananalita, tamang emosyon ng kontrabida, mga tingin nito, kilos at galaw.
Nagbukas na ang “Double Barrel” sa mga sinehan nitong Miyerkules mula sa Viva Films sa direksyon ni Toto Natividad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.