Pakiusap ni Dingdong: Wag nang idamay ang personal na buhay!
AYAW nang patulan ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang hindi mamatay-matay na kontrobersiya sa pagitan ng asawa niyang si Marian Rivera at sa leading lady niyang si Andrea Torres.
Ayon kay Dingdong, matagal na ang isyung ito kaya hindi na raw kailangang pag-usapan pa, lalo na ngayong muli silang magkakasama ni Andrea sa Alyas Robin Hood Book 2 ng GMA 7.
Dumalaw kami sa taping ng Alyas Robin Hood nitong nagdaang weekend, at dito nga namin nakausap sina Dong at Andrea. In fairness, wala naman kaming nakitang tensiyon sa pagitan ng dalawang bida ng serye at feeling namin, hindi naman nakikialam si Marian sa trabaho ng kanyang mister.
Sa panayam namin kay Dingdong, narinig din daw niya na may mga namba-bash kay Andrea dahil sa mga isyu sa kanila ni Marian, “With regards to bashing, I don’t think anyone deserves to be cyberbullied, di ba? It’s something na dapat matigil na.
“Para sa akin naklaro na naman dati ‘yan (Marian-Andrea reported silent war). Ang mahalaga, gagawin namin ang mga trabaho namin, ang ganda ng opportunity na magbabalik ang Alyas Robin Hood, and we are at peace, maayos naman ang lahat.
“Yung mga outside forces, yung mga taong hindi nakakaintindi talaga sa mga nangyayari, huwag na nilang lagyan ng masamang kulay o malisya kung anuman ang ginagawa naming trabaho. Nais lang naming mapasaya ang mga tao, gumaganap kami sa mga roles, let’s not involve personal lives, dahil we’re all prefessional. And again, I reiterate, no one deserves to be a victim of cyberbullying, not anyone, not me, not my family,” paliwanag ng aktor.
Dagdag pa niya, “Huwag na lang tayong magpaka-negative, kasi kapag in-entertain mo ‘yang mga ganyang bagay, maaapektuhan lang ‘yung mga positive na ginagawa mo. Again, nabiyayaan kami ng isang magandang trabaho at gagawin namin lahat para mabigyan namin sila ng magandang show.”
Para naman kay Andrea, isang dream come true para sa kanya ang part 2 ng ARH, nabitin daw kasi siya sa unang season ng serye, lalo na sa maaaksyong eksena na gustung-gusto talaga niyang gawin. Mariin din niyang itinanggi na magkaaway sila ni Marian.
“Gusto ko kasi positive na lang, okay naman kaming lahat, walang ilangan (ni Dingdong), tsaka hindi ko na lang din iniisip ang mga bashers. Okay naman kami (ni Marian) pero hindi pa kami nagkikita uli, matagal na,” esplika ni Andrea na mas lalo pang sumeksi ngayon dahil sa tuluy-tuloy na training niya para sa ARH Book 2.
Hindi rin daw kailangang mag-sorry sa kanya si Dingdong dahil wala naman daw itong nagawang kasalanan sa kanya. Nagpapasalamat pa nga raw siya dahil hindi nagpaapekto ang aktor sa intriga sa kanila ni Marian.
q q q
Samantala, level-up daw sa lahat ng aspeto ang Alyas Robin Hood Book 2, hindi lang daw sa kuwento kundi maging sa production at cast.
Ayon sa Kapuso Primetime King mas magiging exciting ang bawat gabi sa GMA Telebabad sa pagbabalik ng pinakaastig at pinakaswabeng tagapagtanggol ng mga naaapi sa primetime, si Pepe o mas kilala nga bilang si Alyas Robin Hood na isa nang kilala at magaling na abogado.
Sey ni Dong, napapayag siyang gawin ang part 2 ng serye dahil sa ganda ng bagong materyal at siyempre, sa muling pagsasama nila ng mga dati niyang co-stars sa Book 1. Pamilya na rin kasi ang turing niya sa mga ito dahil sa tindi ng bonding nila noon.
Ayon pa sa Kapuso aktor, magsisimula ang kuwento ng Alyas Robin Hood Book 2 sa naging cliff hanger nang magtapos ang part 1. Ito yung pagkidnap sa ina niya sa kuwento na si Jaclyn Jose.
Kailangan daw tutukan ng viewers kung ano na ang mangyayari sa love story nila ni Venus (Andrea) matapos itong maudlot at siyempre kung paano niya ililigtas ang kanyang nanay mula sa sindikato.
Bukod kina Jaclyn at Andrea, magbabalik din sa serye sina Paolo Contis, Gary Estrada, Rey PJ Abellana, Gio Alvarez, Dave Bornea, Lindsay de Vera, Rob Moya, Anne Garcia at Luri Vincent Nalus. Ilan sa madadagdag na members ng cast sina Solenn Heussaff, Ruru Madrid at ang mga bagong kontrabida sa serye na sina Edu Manzano at Jay Manalo.
Ito’y sa direksyon pa rin ni Dominic Zapata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.