UMIINOM ka ba ng soft drink? Gaano kadalas? Isa sa isang linggo, isa kada araw o baka naman ginagawa mo itong tubig?
Kung halos araw-araw at mahigit sa isang lata o bote ng softdrink ang nilalaklak mo, aba’y mag-ingat-ingat ka at hindi iyan nakabubuti sa iyong kalusugan.
Ayon kay Dr. Rafael Castillo, medical columnist ng Philippine Daily Inquirer, sister publication ng Bandera, ang madalas na pag-inom ng soda o cola ay posibleng magresulta ng pagtaas ng blood pressure, blood su-gar na pwedeng kauwian ay diabetes.
Kwento niya sa kanyang kolum, minsan ay meron siyang naging pasyente na umamin na isa ng cola addict. Nabatid na lang niya na adik na siya rito nang kumukunsumo siya ng walong lata ng softdrink kada araw. At lalo pa itong napaparami kung stressed diumano siya.
1 can= 10 teaspoon ng asukal
Dahil nga sa pagkahumaling sa i-numin na hindi lamang sandamakmak ang asukal kundi namumutiktik din sa caffeine, ay lumubo ang kanyang timbang at ngayon ay posibleng maharap sa premature heart disease at diabetes.
Maraming hindi nakakaalam na soda o cola drinkers na ang kada lata o bote ng isang softdrink ay katumbas ng 10 kutsaritang asukal. Kaya nga uminom ka lang ng dalawang lata nito sa isang araw ay parang lumantak ka na ng 20 kutsaritang asukal.
Isipin mo na lang kung gaano ang epekto nito sa metabolism, puso, utak at arteries ng uminom ng dalawang lata ng soda.
Bawal sa bata
Paano pa kaya kung ang bata ang mahilig sa cola?
Alam nyo bang mas madali para sa mga bata ang maging adik sa softdrink? Kay nga ang payo ng mga doctor ay huwag na huwag paiinumin ang mga tsikiting ng softdrink, kahit pa isang lagok man lang.
Ang isang lagok o sipsip ng softdrink ang pasimula ng full-blown addiction.
Pero ang tanong, kaya ba itong maalis agad-agad?
Ito-tokhang? Paano aalisin ang adiksyon?
‘Yung mga umiinom ng softdrink ng hindi lalagpas ng isang litro kada araw ay madaling makakaiwas sa adiksyong ito, nang agad-agad.
Ayon kay Castillo, ang pasyente niya na umiinom ng dalawang litro ng softdrink kada araw ay nangailangan lang ng isang linggo para tapusin ang kanyang adiksyon.
Anya, pinabayaan niya munang uminom ito ng isang lata ng softdrink kada araw, at hayun tuluyan na siyang nawalay sa kanyang adiksyon.
Payo ni Castillo sa kanyang pasyente, kung nauuhaw siya at nananakam sa matamis na alindog ng softdrink, kumuha lang siya ng isang baso ng malamig na tubig at lagyan ng isang hiwa ng lemon.
“And the gas in it somehow made his mind think he was drinking cola,” pagtatapat ng doctor.
Ang adiksyon sa cola ay sanhi ng caffeine. Ang isang 330-milliliter lata ng regular cola ay may caffeine na katumbas ng one third ng caffeine sa isang tasa ng brewed coffee.
Kung nanakam sa cola, pwedeng uminom ng maliit na amount ng black coffee.
At alam ba ninyo na ang isa o dalawang tasa ng black coffee ay mainam sa kalusugan?
Pwede rin namang green tea na lang ang ipamalit sa soda dahil sa sangkap nito na nagpapababa ng tsansa na magkaroon ng problema sa puso, cancer at diabetes. At higit na mainam kung iinumin ito ng walang asukal at cream.
Pwede ring kumain ng maliit na putol ng dark chocolate para maibsan ang pananakam sa soda.
Diet cola ba kamo?
Ayon sa mga datos tungkol sa artificial sweeteners na ginagamit sa diet soda ay masasabing conflicting. May nagsasabi na hindi ito nakabubuto sa metabolism at nakatataba pa rin bukod sa posibleng magdulot ng sakit sa puso, kidney at diabetes. Ito ay dahil parehas lang sila ng caffeine content ng regular softdrink.
Kaya, ngayon pa lang mag-isip-isip na kung iinumin pa yang lata ng softdrink na hawak mo. — Inquirer
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.