Opisyal walang makasundong kapwa opisyal dahil sa pag-uugali
DA who ang isang opisyal na walang makasundo na kapwa niya opisyal dahil sa hindi kagandahang pag-uugali.
Balitang-balita na ang pagkakaroon ng paksyon sa ilalim ng departamento ng isang opisyal dahil hindi magkasundo ang mga ito.
Pare-pareho ang pinanggalingan halos ng karamihan sa ilalim ng ahensiya ni Mr. Secretary pero hanggang sa pinaglipatan nila ay hindi sila magkasundo.
Dahil nga sa pag-uugali ng opisyal, walang gustong makipagkaibigan sa kanya kaya ang siste, nilalayuan siya ng kanyang mga kapwa appointees.
Kamakailan ay napromote ang kanyang mga kasabayan at naiwan ang opisyal na hindi nabibiyayaan ng promosyon.
Nauna siyang naitalaga sa puwesto pero dahil mas ma-PR at mas alam kung sino ang didikitan, naungusan na siya ngayon ng kanyang dating ka-level na opisyal.
Na-promote na rin ang isa pang opisyal na mas mababa dati sa kanya at ngayon ay kapareho na lang niya ng ranggo.
Bukod kasi sa usap-usapan na hindi siya marunong makisama, usap-usapan naman ang pagiging dakilang sunod-sunuran ng mga opisyal na na-promote kay Mr. Secretary kayat nalakad agad-agad ang kanilang promosyon wala pang isang taon sa puwesto.
May ideya na ba kayo sa mga tinutukoy kong mga opisyal?
Hindi rin ako magtataka na mas mauuna pang ma-promote sa kanya ang katatalaga lang sa kanyang puwesto na mas kontrobersiyal sa kanya dahil sa ipinagmamalaki niyang milyong-milyong followers.
I’m sure hindi n’yo na kailangan ng clue.
***
Sino kaya ang nag-uutos sa Malacañang na harangin ang mga dokumento na hinihingi sa Presidential Records na dati namang madaling hingian ng mga datos.
Noong Huwebes, inilabas na sa wakas ng Presidential Records ang hinihinging SALN ng mga miyembro ng Gabinete ngunit hindi ito ginawa kundi pa nagbanta ang Malacañang Press Corps (MPC) na ilalabas ito sa media.
Mayo pa kasi nag-request ang MPC para sa SALN na nakaugalian na taun-taon.
Sumunod ang MPC sa proseso, gumawa ng letter request at nagbayad ng kaukulang fees, Mayo ginawa ang sulat ngunit umabot ng mahigit dalawang buwan bago ibinigay ang SALN.
Kundi pa pinaalalahan ang record section ng Malacañang na taliwas ito sa ipinagmamalaking Freedom of Information (FOI) ng adminstrasyon at ilalabas na sa media ang ginagawang pang-iipit sa mga datos.
Matapos nito, agad na nagbigay ng listahan ng SALN, na kaya naman palang gawin kung gugustuhin.
Kahit ang aplikasyon sa FOI website para sa mga opisyal na datos ay nade-deny din. Kayat hindi dapat ipagmalaki ng gobyerno na may transparency na sa ilalim ng FOI website.
Ang tanong, alam kaya mismo ni Pangulong Duterte na lalong mas mahirap kumuha ng datos sa ilalim ng FOI website?
Takot bang maglabas ang mga opisyal dahil takot silang maputukan o may nag-uutos sa kanila na huwag maglabas ng mga datos lalo na sa media?
Pakisagot Communications Secretary Martin Andanar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.