SUPORTADO ng ilang grupo ang naunang naging posisyon ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na huwag dumalo sa pagdinig ng Kamara sa harap ng bantang pagpapaaresto sa kanya.
Tinawag ng Katipunan ng Pilipinong Makabayan (KPM) at Kabataan Sandigan at Gabay ng Pilipino Incorporated (KASAGPI) na maliwanag na pamumulitika lamang ang ginagawang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan laban kay Marcos.
Pinapadalo si Marcos sa pagdinig ng House of Representatives Committee on Good Government and Public Accountability na itinakda sa Hulyo 25, isang araw matapos ang muling pagbabalik sesyon ng Kongreso.
Iginiit ni KPM head Roberto “Ka Obet” dela Serna na kung may sapat talagang ebidensiya, dapat ay magsampa na lamang ng kaso sa Office of the Ombudsman o maging sa Kataastaasang Hukuman.
Naniniwala ang KPM na wala na rin namang magiging epekto ang pahayag ni Marcos dahil may konklusyon na rin ang mga mambabatas.
Idinagdag ng KPM na maliwanag na nagagamit ang Kamara para sa pansariling interes ng ilan.
Sinabi naman ng Bayanihan Bayan Movers–Pangasinan Organization of Genuine Inhabitants (BBM-POGI) na ang paggawa ng batas ang trabaho ng Kamara ngunit ginagawa itong lugar para resbakan ang mga kalaban sa politika.
Ayon kay BBM-POGI head Philip Terry, idedetine rin si Marcos kagaya ng ginawa sa tinaguriang Ilocos 6 sakaling hindi masiyahan ang mga mambabatas sa kanyang sagot.
“Kaya may mga napapatawag para tingnan kung pwede nilang
i-modify ang mga kakulangan ng batas regarding tobacco tax,
ganoon sana… pero pinapakita na nga nila yung kulungan. Sine-set
na nila ang mind ng mga tao na ganoon ang mangyayari,” ayon kay Terry.
Naniniwala rin ang isa pang youth sector na Buong Bansang Magkaisa (BBM) na iipitin lamang si Marcos sa sakaling humarap sa Kamara.
“Para sa’kin, sana si Governor, ‘wag na siyang um-attend kasi para sa akin, pang-iipit na lang ito na ginagawa ng Kongreso sa kanya… What if kagaya ng ginagawa nila sa Ilocos Six, kapag hindi nasabi kung ano yung gusto nilang marinig eh agad-agad nilang ide-detain. Obvious naman na pinupulitika lang tayo,” sabi ni Harrold Toledana ng BBM.
Sinabi ni Toledana na sa korte na lamang dapat magharap si Marcos at ang mga nag-aakusa sa kanya.
“Wala iyon halong pulitika, masasabi nating very neutral kaya pabor kami kung korte ang hahawak, mas okay
siguro. Siyempre may hustrado, may mga ebidensiya talaga. Hindi kagaya sa Kongreso, sinasabi nilang ebidensiya, puro photocopy
lang naman,” ayon pa kay Toledana.
Isinulong ni Ilocos Norte Representative Rodolfo Fariñas ang imbestigasyon hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo mula sa tobacco excise tax para ipambili ng mga motor vehicles para sa mga tobacco farmers at mga barangay captain.
Patuloy na nakadetine ang Ilocos 6 sa Kamara samantalang ipinakita na sa media ang isang detention room kung saan planong ikulong si Marcos sakaling ipaaresto siya.
Naghanda na rin ng kuwarto para sa mga justice ng Court of Apeals (CA) na naunang nag-utos na pakawalan na ang Ilocos6.
Magbubukas pa lamang ang ikalawang sesyon ng bagong Kongreso pero marami na ang naniniwala na nagagamit ito para sa paghahanda sa 2019 elections.
Samantala, ilang batas lamang ba ang naipasa dahil sa sobrang maagang pamumulitika ng mga mambabatas?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.