BAKIT nagkaroon ng sweetheart deal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Del Monte, isang multinational company, samantalang pinahihirapan ng BIR ang Mighty Corp., isang homegrown company?
Ang Del Monte ay pinagbayad lamang ng P100 milyon sa pagkakautang nito sa gobyerno ng P8 bilyon sa delinquent taxes.
Ang Mighty naman ay may utang diumano sa gobyerno ng P2 bil-yon at gusto ni Pangulong Digong na bayaran na agad ng kumpanya ng ganoong halaga upang mapondohan ang mga government hospitals.
Pero pinipilit ng dalawang miyembro ng Gabinete ang Mighty na ipagbili ang kumpanya sa Japan Tobacco Corp. sa halagang P45 bilyon para mabayaran ang gobyerno ng diumano’y P20 bilyon pagkakautang nito.
Gusto ng mga may-ari ng Mighty na ipagbili ang kumpanya sa British Tobacco Corp., pero iniinsista ng dalawang Cabinet officials na ipagbili ang kumpanya sa Japan Tobacco.
Bakit?
***
Napag-alaman ng inyong lingkod ang usapan ng dalawang Cabinet members sa mga may-ari ng Mighty Corp. tungkol sa planong ipagbili na ang kumpanya upang bayaran ang gobiyerno.
Tinanong ko ang isa sa dalawang Cabinet officials kung bakit nila nais ipagbili ang kumpanya sa Japan Tobacco samantalang ang gusto ng mga may-ari ng Mighty ay ipagbili ito sa British Tobacco?
Ang naibigay lang na sagot ng Cabinet official ay, “Hindi ako makapagbigay ng comment diyan dahil ang usapan ay ongoing pa.”
Nakakaamoy ako ng mabahong isda rito.
***
Mabuti naman at pinaiimbestigahan ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez ang sinasabing sweetheart deal sa Del Monte at ang kao ng Mighty.
At least, merong isang opisyal na naninindigan laban sa kalabisan ng ilang miyembro ng Gabinete.
Dahil may schedule na ang Mababang Kapulungan na imbestigahan ang Del Monte at Mighty, matatauhan na ngayon ang mga nagmamalabis na miyembro ng Gabinete.
***
Ang mga sundalo at marines na lumalaban sa Marawi City ay may lehitimong reklamo: Bakit daw sinasama sa kanila ang mga pulis na isinusuka ng Philippine National Police?
Oo nga naman: Bakit ang mga abusadong kawatan na mga pulis ay isasama sa mga disenteng miyembro ng Philippine Army at Philippine Navy Marines?
Parang binabastos naman ang mga sundalo at marines na ipinagsasama sila sa mga bulok na mga pulis.
***
Ininsulto ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, PNP chief, ang mga taga Mindanao dahil sa pagtatapon niya ng mga tiwaling pulis sa lugar kung saan siya ipinanganak at lumaki.
Huwag namang bastusin ang lahat ng mga taga Mindanao sa pamamagitan ng pagtapon ng basura ng PNP sa kanila.
***
Ang dalawang pulis-Mandaluyong—sina PO1 Jose Tandog at PO1 Chito Enriquez—na itinapon ni Bato sa Marawi City ay magkakalat lang doon.
Ang dalawang pulis ay nakita sa video na hinahampas ng yantok ang dalawang mamamayan na nahuling nag-iinuman sa publiko, na labag sa isang city ordinance.
Sina Tandog at Enriquez ay maaaring nanginginig na sa takot at nagtatago na sa kanilang foxhole sa Marawi City habang lumilipad ang mga bala sa kanilang paligid.
Ang mga pulis na nananakit ng mga mamamayan na walang
kalaban-laban ay duwag.
Nagsasayang lang ng pera ng taumbayan si Bato sa pagtatapon kina Tandog at Enriquez sa Marawi City at maaa-ring umiihi na sila sa kanilang mga pantalon habang hinaharap ang mga terorista.
Dapat ay dinismis na kaagad ni Dela Rosa ang dalawang abusadong pulis.
Kalokohan ang dahilan na dapat bigyan sila ng “due process” dahil hindi nasisinungaling ang video.
Ang video ng pananakit ay naging viral sa social media.
***
Kung may komento, tanong o reklamo sa kolum na ito, mag-email sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.