Romnick ayaw matali sa teleserye: Gusto ko kasing makitang lumalaki ang mga anak ko!
SI Romnick Sarmenta pala mismo ang nagsabi kay Direk Cathy Garcia Molina na hindi siya puwedeng magtagal bilang Tonio sa seryeng La Luna Sangre.
Siya ang tatay ng batang Tristan (Justin James Quitlang) sa nasabing programa. Sabi ni Romnick hindi siya pwedeng magbigay ng maraming oras sa akting dahil gusto niyang makitang lumalaki ang mga anak nila ni Harlene Bautista.
Sa nakaraang pa-birthday blow-out ni Quezon City Mayor Herbert Bautista para sa miyembro ng entertainment press sa Salu Restaurant ay nakatsikahan namin ang aktor at tinanong nga namin siya kung bakit sandali lang siya sa La Luna Sangre.
Paliwanag ni Romnick, “To give credit where is due, nagtanong kasi si direk Cathy, sabi niya, ‘Romnick, arte ka naman!’ Sabi ko, ‘depende kung ano ang aartehan. Kaibigan ko kasi si direk Cathy at kumare ko rin.
“Sabi niya, ‘Gusto kita para do’n sa role na ano, tapos nag-usap kami. Sabi ko, ‘alam mo direk I have nothing against it, pero personal conviction wise, ayokong magkapangil, ayokong magkabalahibo, tapos sabi ni direk Cathy, ‘alam ko naman (personal conviction), puwede ba kitang gawing tatay, tao ka naman.
“Tapos tinanong niya ako kung may mga ginagawa ako, sabi ko, negosyo tapos mga anak ko, gusto ko kasing makita silang lumaki, ayokong parati akong wala sa bahay. Tapos sabi niya, ‘O sige, sandali lang.’ Tapos pumayag na ako.
“Ang sarap katrabaho ni direk Cathy at ng buong cast, in fairness, ang gaan ng pakiramdam sa set, walang problema,” kuwento ni Romnick.
Sayang nga at hindi niya nakaeksena sina John Lloyd Cruz at Angel Locsin, “Ang alam ko kasi nasa Bataan sila, iba-iba kami ng location, depende sa istorya,” say ni Romnick.
At dahil nag-resign na si direk Cathy bilang isa sa director ng La Luna Sangre, “Ang alam ko kasi antimano, alam niyang ipu-pull out siya para sa movie na gagawin niya. Sad ako, pero at the same time, nabigyan nila ng (chance) si direk Richard Arellano, kababata ko si Richard. Nakatrabaho ko rin siya kasi may kinunan sa aking flashback.
“Si Richard kasi anak ni mama Ida (Arellano), ninang namin sa kasal. Kababata ko si Richard, magkasama kami sa Broadcast City, tapos nag-artista kami nag-abot kami sa Lovingly Yours tapos nanalo ng Catholic Mass Media Award ‘yung episode naming ‘Bangkang Papel’ and then naging magkaibigan na kami eversince.
“Isa nga siya sa dahilan kung bakit kami ulit nagkita ni Harlene (Bautista, asawa niya), siya ‘yung tumawag sa akin kung nasaan sila nagte-taping kaya nagkita kami ulit after more than 12 years.
“Magaling din naman si Richard as a director kasi marami siyang napagdaanang magagaling na director noong bata pa kami, tapos nagsimula siyang commercial director, tapos nabigyan ng chance ng ABS-CBN na maging assistant director. Tapos heto, director na, kumbaga matagal na rin naman niyang ginagawa ito, so nahasa nang husto.”
Speaking of La Luna Sangre, tinanong si Romnick kung anong masasabi niya sa gumanap na batang Tristan sa serye na kahawig din ng actor noong bata siya bilang si Peping sa seryeng Gulong Ng Palad.
“Ay si JJ (Justin James), nakakatuwa ‘yung batang ‘yun. Hindi na kailangang turuan sa acting, magaling, eh. Saka magaling mag-motivate sina direk Cathy, ang alam ko in-audition nila for this serye. Sana masundan ‘yung show niya, magaling siya,” papuri ni Romnick sa bata.
Samantala, dahil muling napanood si Romnick sa La Luna Sangre ay may offer daw sa kanya ang ABS-CBN na iba pang serye pero inaalam pa raw ng aktor ang script kaya hindi pa niya puwedeng banggitin kung ano.
q q q
Mukhang may malaking problemang dinadala ngayon ang isang aktor dahil ang dine-date niyang aktres ay bigla niyang iniwan sa ere.
Naloka ang aktres dahil biglang hindi na lang siya tinatawagan o kinukumusta ng aktor kaya nagtataka siya kung anong nangyari.
Nabanggit ng aktres sa common friend naming, “Naloloka si ____ (aktres), naglaho bigla si ____ (aktor). Hindi na nagparamdam, dati naman sweet-sweetan ang drama, ngayon, nawala na.”
Pakiramdam daw ng aktres ay hindi naman seryoso ang aktor sa mga pasaring nito noong nagdi-date sila. Siguro raw ay magkaibigan nga lang talaga sila.
“Mabuti na lang hindi pa totally nahuhulog yung girl, kung hindi talagang umuwi siyang luhaan!” sabi ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.