MULING nagpasiklab si Mark Harry Diones na isa sa posibleng makapagbigay ng medalya sa Pilipinas sa mga internasyonal na kompetisyon matapos itong magwagi ng gintong medalya sa triple jump sa 2017 Thailand Open Track and Field Championships Miyerkules sa Thammasat University Sports Complex.
Itinala ng 24-anyos na national team mainstay mula Libmanan, Camarines Sur ang personal best na 16.31 metro para pagwagian ang naturang event sa Thailand.
Nakatitiyak na rin siya ng silya sa pambansang koponan na lalahok sa 29th Southeast Asian Games sa Agosto 19-30 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Iniulat ni Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) Marketing and Communications Officer Edward Kho na pumangatlo naman si Ronnie Malipay sa tinalon nito na 15.85 metro para sa tansong medalya. May tsansa rin siya na mapabilang sa delegasyon ng athletics sa darating na SEA Games.
Habang isinusulat ito ay inaabangan naman ng Patafa ang kahihinatnan ng laban ni decathlete Aries Toledo na kasalukuyang nasa ikalawang puwesto sa huling dalawang event ng 10 magkakaibang disiplina. Ito rin ang pagbabatayan kung makalalahok siya sa SEA Games.
Matatandaan na nagawang burahin ng pangunahing triple jump specialist na si Diones ang kanyang sarling national record sa pag-uwi ng ginto sa ginanap na 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa Ilagan, Isabela sa pagtalon ng 16.70 metro.
Ani Diones naging memorable sa kanya ang kanyang record-setting 16.70-meter jump sa ikaanim at huling talon kung saan tinalo nito mismo ang makakalaban niya sa SEA Games na si Muhammad Hakimi Ismail ng Malaysia na kasalukuyang Southeast Asian Games champion at record-holder sa event.
Bitbit ni Ismail ang 16.76m na SEAG standard na itinala nito noong 2015 Singapore SEAG.
Una naman nagawa ni Diones, na tumapos lamang na pang-apat noong Singapore SEA Games, na burahin noong Nobyembre 2016 ang pitong taong rekord na 16.12m record ni Joebert Delicano sa 16.29m sa ginaganap kada Linggo na Weekly Relays ng Patafa sa Philsports Arena.
Unang nagpamalas ng surpresa ang dating decathlete na si Janry Ubas sa pagwawagi ng gintong medalya sa men’s long jump event sa nilundag nitong 7.78 metro.
Ang naitalang lundag ng tubong-Cagayan de Oro na si Ubas ay una na nitong naabot sa paglampas sa 10-taon na SEA Games standard na 7.87m matapos itala ang 7.88m na talon dalawang linggo pa lamang ang nakakalipas sa isinagawa na ikalawang yugto ng Patafa time trials.
Samantala, hindi naman nagpaiwan si Patrick Unso na pinabilis ang kanyang personal best at tinabunan ang dating national record sa pagsumite ng 13.91 segundo sa 110m hurdles bagaman nagkasya lamang sa tansong medalya sa ginaganap din na torneo.
Si Unso, na ang ama na si Reynato Unso ay secretary-general ng Patafa, ay tinabunan ang kanyang dating record na 14.12 segundo na naitala nito noong 2015 SEA Games.
Ang ibang miyembro ng koponan ay sina Aries Toledo, Edgardo Alejan Jr., MIchael del Prado, Francis Medina, Clinton Kingsley at Anfernee Lopena.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.