MARAHIL kung hindi San Miguel Beer ang nakalaban ng Globalport sa kanilang huling game sa elimination round noong Biyernes ay dagling nakapasok sa quarterfinal round ang Batang Pier.
Lubhang malakas lang talaga ang Beermen kung kaya’t halos walang tsansa ang Globalport bagnat bagamat nakapagbigay ng magandang laban ang tropa ni coach Franz Pumaren.
Hindi nga ginamit ni coach Leo Austria bilang starter ang three-time reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo pero ganoon pa rin ang naging resulta. Dinurog nila ang kalaban, 112-101.
At siyempre, masaya si Austria dahil sa taliwas sa naging performance ng Beermen sa mga huling laro ay hindi laylay ang naging simula nila laban sa Globalport. Umpisa pa lang ay dumikdik na kaagad sila. Kaya hindi sila naghabol.
Masaya rin naman si Pumaren kahit na natalo sila dahil nakita naman niya ang effort sa kanyang mga manlalaro.
At gaya nga ng nasabi natin, kung naiba lang ang kalaban ng Globalport, puwede silang manalo at makadiretso sa quarterfinals. Makakamit pa nila ang No. 6 spot kung saan best-of-three ang duwelo laban sa Star.
Ngayon ay pasok sila sa playoff para sa huling quarterfinals berth kontra Alaska Milk. Nagtabla sila ng Aces at Phoenix sa No. 7 hanggang No. 9 puwesto at sila ang may pinakamababang quotent dahil sa tinambakan sila ng Alaska Milk, 107-79, noong March 18.
Si Sean Williams pa ang import ng Globalport noon at nagtala lang ito ng 18 puntos at 19 rebounds. Si Williams ay pinalitan ni Keith Wright na hinalinhan din ni Justin Harper.
Sa pagdating ni Harper ay nagbago ang ihip ng hangin para sa Globalport na nanaig sa dalawang games bago yumuko sa San Miguel.
Kaya naman mataas ang kumpiyansa ni Pumaren papasok sa duwelo kontra sa Aces. Alam niya na angat ang Batang Pier kung morale lang ang pag-uusapan.Galing nga sila sa talo kontra sa Beermen pero galing naman ang Aces sa pitong sunud-sunod na kabiguan. At lahat ng ito ay masasakit.
Sa huling game lang ng Alaska Milk ay abante sila ng 21 puntos sa dulo ng third quarter pero nakapagsagawa ng rally ang Star. Nahatak sila ng Hotshots sa overtime bago nagwagi ang mga ito, 102-98.
Biruin mong kung nagwagi ang Aces ay napatid na sana ang kanilang losing streak at nakadiretso sila sa quarterfinals at magbabalik ang kanilang kumpiyansa.
Ngayon ay napakababa na ng kumpiyansa nila.
So doon pa lang ay may bentahe na nga ang Globalport.
Ang siste ay hind naman iyon garantiya na patuloy na matatalo ang Aces. Puwede namang magmilagro ang tropa ni coach Alex Compton kung sumobra naman ang kumpiyansa ng Batang Pier.
At iyon ang nais na maiwasan ni Pumaren.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.