11 sundalo patay sa "friendly airstrike" | Bandera

11 sundalo patay sa “friendly airstrike”

John Roson - June 01, 2017 - 08:34 PM
Labing-isa pang kawal ang nasawi at 7 ang nasugatan sa airstrike sa Marawi City,  na pamuksa sana sa mga kasapi ng Maute group na may kaugnayan umano sa ISIS, ayon sa mga otoridad. Dahil dito, pumalo na sa 33 at 94 ang bilang ng mga nasawi at nasugatang kawal, ayon sa situation report mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao police. Sa isang televised press briefing, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na 10 kawal ang nasawi at pito ang nasugatan sa air strike na isinagawa ng isang Marchetti SF-260 plane ng Air Force Miyerkules. Tinamaan ng “conventional bomb” na binagsak ng eroplano ang mga kawal na nakapuwesto 100 metro mula sa target — ang bahay kung saan umano nagtatago si Isnilon Hapilon, ang umano’y “amir” ng ISIS sa Pilipinas, ani Lorenzana. “There must be some mistake there, either among people directing the operations from the ground or the pilot,” anang defense chief. Inatasan ni Lorenzana si AFP chief Gen. Eduardo Año na mag-imbestiga, at sinabing ititigil muna ang mga air strike sa Marawi. Ayon kay Lorenzana, dati nang nagkakaroon ng mga sundalong tinamaan ng “friendly fire,” pero ang naganap sa Marawi ang unang kinasangkutan ng Air Force. Noong Hunyo 2014, matatandaang anim na miyembro ng elite na Light Reaction Company ang napatay nang tamaan ng mga pagsabog mula sa 105-millimeter Howitzer cannon ng Marines habang tinutugis ang Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu. ‘Huling bomba pumalya’ Sa hiwalay na briefing, sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na binigyan ang SF-260 plane ng apat na pagkakataon para tamaan ang target, at ang huli lang ang pumalya. “(It) was successfully hitting its assigned target in its earlier sorties. However, it was unfortunate that the last ordnance round it delivered went wayward for an unknown reason and accidentally hit and caused the lives of our ground forces,” aniya. Pawang mga miyembro ng Army ang mga nasawi’t nasugatan sa aksidente, na naganap Miyerkules ng tanghali, ani Padilla. Ipinaaalam na ng militar sa kanilang pamilya ang sinapit ng mga kawal, aniya. Ayon kay Padilla, bumuo na si Año ng board of inquiry para alamin kung anong sanhi ng insidente at tiyaking di na ito mauulit. Binigyan din ang mga ground commander ng awtoridad para alamin kung talagang magsagawa ng air strike, aniya pa. Nagsagawa ng mga air strike sa Marawi dahil nagkukubli ang mga kasapi ng Maute group sa mga “heavily-fortified” na bahay, kung saan ilan ay tila di pa tinatablan ng bala ng kanyon, ani Lorenzana. Eroplano hinto muna Sa isang kalatas, sinabi ni Año na itinigil muna ang pagsasagawa ng air strike sa Marawi gamit ang SF-260, dahil sa naganap na insidente. “Pending the result of the investigation, we may defer the use of SF-260 for the meantime but we will continue using all other available ground, air, and naval assets in order to resolve this crisis quickly,” anang military chief. Bukod sa SF-260 planes, gumamit din ang militar ng rocket-firing helicopters para magsagawa ng air strike sa Marawi. Ayon kay Año, susubukan pa rin ng militar na tapusin ang krisis ng Marawi sa itinakdang timeline ng pamahalaan, kahit pa wala ang SF-260. Matatandaang sinabi ni Lorenzana noong nakaraang linggo na itinakda ng pamahalaan na wakasan ang krisis isang linggo matapos ang Mayo 25. “We are doing our best to comply with the timeline but what is more important is to finish our job with the minimum loss of soldiers’ and civilians’ lives,” ani Año. 120 terorista patay; 8 banyaga Ayon kay Padilla, 120 kasapi ng Maute group na ang napapatay mula nang mag-umpisa ang gulo sa Marawi noong Mayo 23. Kabilang sa mga nasawi ang 25 Pilipino at walong banyaga na maaaring kasapi ng Islamic State of Iraq and Syria, ani Lorenzana. Kabilang sa mga banyaga ang dalawang Saudis, ilang Indonesian, isang Yemeni, at isang mula pa sa Chechnya, aniya. Sa unang araw ng bakbakan, umabot sa 500 mandirigma ang nakasagupa ng mga tropa ng pamahalaan. Karamihan sa mga ito’y direktang miyembro ng Maute group, mga tauhan ni Hapilon, pati na iba pang local at mga banyaga, ani Lorenzana. Bukod sa mga napatay, pinaniniwalaan na ilan sa mga mandirigma’y tumakas na Marawi sa pamamagitan ng paghalo sa mga residenteng lumikas, ayon sa defense chief. “It’s safe to say that there are still 50 to 100 of them fighting,” ani Lorenzana. Naniniwala si Lorenzana na ang mga mandirigma’y gumagamit ng pondo mula sa mga politikong may kinalaman sa iligal na droga, isang recruitment agency na pagmamay-ari ng mag-asawang Syrian at Moroccan, at perang tinanggap umano ni Hapilon mula sa Gitnang Silangan. “There are reports that Isnilon Hapilon is receiving millions of dollars from the Middle East,” aniya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending