Tropang Bubble Gang, Vic at Joey enjoy sa bagong summer tambayan
NAGIGING regular na tambayan na ng ilang kilalang celebrities ang Pradera Verde na kilala na ngayon bilang isa sa pambatong resort at mini-triathlon venue ng Pampanga.
Sa ikalawang pagkakataon ay muli kaming naimbitahan sa Pradera Verde kasama ang ilan pang miyembro ng SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) sa pamamagitan ng ating colleague, ang veteran showbiz columnist na si Joe Barrameda.
In fairness, ang dami-dami nang bagong facilities sa PV, kabilang na ang bonggang-bonggang wave pool na favorite rin ng mga kilalang artistang bumibisita roon.
Bukod diyan, siguradong feel na feel din ng mga celebrities na nakapagbakasyon na sa resort ang tahimik na ambiance ng lugar na malayo sa ingay ng showbiz, pati na rin ang malawak na sports amenities, masarap na pagkain at mababait na staff.
Sa 400 ektarya ng Pradera Verde, marami ang puwedeng gawin tulad ng wake boarding, golf at swimming. Itinayo ng pamilya Pineda ang PV bilang tugon sa pagtulong sa kanilang mga kababayan na mabigyan ng magandang atraksiyon ang kanilang bayan.
Doon namumuno ang babaeng anak ni Pampanga Gov. Lilia Pineda, si Mylyn Pineda-Cayabyab na mayor ngayon ng Lubao.
Grabe ang lawak ng lupang kinatatayuang lupain ng Pradera Verde kaya hindi nakapagtataka kung maging regular tambayan na ito ng mga local artists and very soon pati na ng mga international stars.
Ilan sa mga paborito n’yong artista na super nag-enjoy sa Pradera Verde ay ang magkaibigang Vic Sotto at Joey de Leon na mahilig mag-golf. Ang balita namin, kapag nagagawa sa Pampanga ang Eat Bulaga hosts ay hindi pwedeng hindi sila maglaro ng golf sa PV.
Kamakailan, doon din kinunan ang anniversary special ng Bubble Gang ng GMA7 na nakayang i-accommodate ang ilang daang staff at artists ng gag show dahil na rin sa dami ng pwedeng tirhang villas doon.
Sa katunayan, nagpaiwan pa raw doon ang ilan sa mga Kapuso stars tulad ni Boy 2 Quizon para mas ma-enjoy ang wake boarding at ang bagong wave pool.
Sa pagbisita muli ng SPEEd sa Pradera, naispatan din namin ang Kapamilya youngstar na si Andrea Brillantes kasama ang mga kaibigan nito. Nahihilig din pala sa wake boarding si Andrea.
Samantala, sinabi ni Mayor Mylyn na maglalagay din sila ng mini-hotel doon para sa mga solo visitor. Narinig din naming nakipag-meeting na sila sa Knotts Berry Farm Buena Park para masimulan na ang matagal na nilang plano na maglagay ng amusement park sa PV.
Open sa public ang Pradera Verde na ngayon pa lang ay dinarayo na ng maraming artista at personalidad. At sa rami pang planong gawin dito, tiyak na lalo itong dadayuhin at magiging pasyalan na hindi lamang ng mga Pinoy kundi pati na rin ng mga foreigner.
Puwede na nga itong maging tourist attraction. Idagdag pa ang masasarap na pagkaing inihahanda ng kanilang magaling na chef na si Paulo Nasol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.