Driver’s license, car registration matching gawin na
ISA sa sanhi ng kaguluhan sa batas trapiko sa bansa ay ang hindi pagtugma ng driver’s license sa car registration ng mga sasakyan.
Dahil dito, mahirap lagyan ng accountability ang mga driver na tiwali dahil madalas ay wala sa pangalan nila ang mga sasakyan na kanilang minamaneho.
Partikular dito ang mga pampublikong sasakyan tulad ng bus, jeep, tricycle at taxi. Gayundin sa mga pribadong sasakyan tulad ng motorsiklo at second hand na kotse.
Sa ibang bansa, kailangan na pareho ang pangalan sa driver’s license at sa rehistro ng sasakyang kanyang minamaneho. Agad na maghihinala ang otoridad kung hindi ito tugma at masusi agad ang imbestigasyon kapag ganito ang sitwasyon.
Sakaling public transport tulad ng taxi at bus, may malaking ID sa sasakyan na nagtutukoy kung sino ang driver ng sasakyan.
Ito ay bunga na rin ng kanilang karanasan na ginagamit sa mga ilegal na gawain ang mga sasakyan tulad na lang sa USA noong 1920’s prohibition kung saan bawal ang alak sa kanila pero madaming sindikato na nagdedeliver ng alak sa mga restoran nang ilegal.
O di kaya ay ang drive by assassination noong 1970’s na hindi matukoy ang namaril dahil nakatago sa loob ng sasakyan.
Dahil dito, mahigpit ang batas nila sa pagmamaneho nang hindi pag-aaring sasakyan. Maaaring makasuhan agad ng carnapping kung hindi mapatunayan agad na sa driver o ipinahiram sa kanya ang sasakyan.
Problema rin natin iyan dito. Mga riding-in-tandem na hindi mahuli dahil puwedeng itanggi na nasa kanya pa ang motorsiklo; o hit-and-run na maaaring sabihing kung sinong driver lang nila ang may sala at tumakas na. O kaya naman ay nabenta na nila dati pa yung auto at hindi nila alam sino na ang may-ari.
Pero kung kambal ang rehistro ng driver’s license at car registration sa isang may-ari, yung pagtakbo lang ng reckless ay maaari na itawag sa 911 at ireklamo, na agad naman matutukoy ang may-ari at saan ito puwedeng puntahan.
Mababawasan ang krimen gamit ang sasakyan dahil makikilala agad ang may-ari nito. Mag-iingat ang mga driver dahil tawag lang sa 911 ay maaari na silang mahuli.
Higit sa lahat, monitored ng pamahalaan ang galaw ng mga sasakyan at maaaring maging basehan ito ng isang survey tungo sa mas maayos na pagplano ng mga highway natin.
Para sa suhestiyon o komento, sumulat lang [email protected] o kaya ay sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.