NABABAGOT ka na ba sa kakapanood ng TV sa bahay n’yo na sinimulan mo noong magbakasyon?
O may muscle na ang daliri mo sa kakapindot sa key board at mouse ng computer sa kakalaro habang umuusok sa inis dahil naubos na ang data cap ng inyong internet sa bahay?
Huwag nang pakunutin ang noo at mag-isip na lamang ng ibang mapaglilibangan para hindi ma-bored sa bakasyon.
Swimming
Marami ngayon ang nag-aalok ng swimming lesson. At dahil marami sila, hindi gaano kamahal ang kanilang sinisingil para makaengayo ng sasali.
Sa loob ng isang linggo — isa o dalawang oras na pag-aaral kada araw — ay matututo ka ng lumangoy.
Kung marunong ka nang lumangoy, bakit hindi mo subakin ang tamang paglangoy — ‘yung tipong pang athletic competition.
Malay mo, may natatago ka pa lang talento sa paglangoy at magamit mo pa ito para ikaw ay maging varsity o athletic scholar.
Taekwondo
Kung ayaw mo naman sa tubig, pwede ring magpaturo ng self defense gaya ng taekwondo.
Tiyak na pagpapawisan ka nang husto at matagtag ang mga nakatagong fats sa iyong katawan.
Ang training ay kalimitang ginagawa sa loob ng gym kaya hindi ka mabibilad sa araw kung natatakot kang matusta.
Hiking
Kung ang type mo naman mag-nature-trip — medyo mainit nga lang — pwede kang mag-hiking.
Kung hindi sanay, magsimula muna sa mga mabababang bundok. Huwag agad sumabak sa matataas para hindi mabigla ang katawan. Baka sa halip na mag-enjoy ay hindi ka na makabangon kinabukasan dahil sa sakit ng iyong katawan.
Pwede rin namang mag-cave hoping, magpalipat-lipat sa mga magagandang kuweba.
Summer job
Para maging kapaki-pakinabang, maaari kang pumasok ng summer job ngayong bakasyon.
Pwede mong itabi ang kikitaing pera o kaya ay ibawas na ito sa babayaran nina nanay at tatay sa eskuwelahan.
Ibinaba na ang Department of Education ang minimum age ng mga estudyante na pwedeng mag-summer job. 15-anyos lang ay pwede ng pumasok sa Special Program for the Employment of Students program hindi katulad dati na 18.
Para makapasok sa mga ahensya ng gobyerno na kalahok sa programa, dapat lang ay mayroong intensyon na mag-aral sa susunod na school year (2017-18).
Maaari rin namang pumasok sa mga private companies gaya ng mga fast food.
Movie marathon
Kung hindi ka talaga mabunot para lumabas ng bahay dahil sa init, pwedeng malibang sa pamamagitan ng panonood ng mga pelikula.
Mas marami kang mapapanood at mapagpipiliang pelikula kung meron kang Netflix o Iflix. Kailangan mo nga lang ng matinong internet at subscription sa mga ito.
Meron naman silang trial na ilang araw kaya pwede mo na rin itong tiyagain kung ayaw mong gumastos.
Pwede ka ring manghiram ng DVD sa iyong mga kamag-anak at kaibigan para hindi ka na mapagastos (bukod sa gastos sa kuryente).
Bakasyon
Para maiba naman pwedeng magbakasyon kina lolo at lola o sa iba pang kamag-anak sa probinsya.
Paraan din ito para mailayo ka sa usok ng Metro Manila at makalanghap ng sariwang hangin sa lalawigan.
Bukod sa polusyon, makakaiwas ka rin sa trapik ng Kamaynilaan.
Pwede ka ring tumulong sa mga gawaing bukid para matutunan mo naman kung papaano ang magtanim o mag-gapas ng palay.
Itutuloy
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.