MALAMANG ay napapailing na lamang, kundi man ay nagngingitngit, ang maraming overseas Filipino workers kay Labor Secretary Silvestre Bello III dahil sa pagkontra nito sa plano ni Pangulong Duterte na lumikha ng hiwalay na kagawaran na tututok lamang sa mga pangangailangan at interes ng migranteng manggagawang Pinoy.
Ang rason nitong si Bello ay di raw ito kaila-ngan dahil mas gusto niya na nasa Pilipinas lamang ang mga Pilipino at huwag nang magtrabaho sa ibang bansa. Aniya, habang nasa labas ng bansa ang mga kababayan natin ay mas lantad sila sa pang-aabuso ng mga dayuhan.
Hirit pa ng Kalihim na kung magtatayo ng hiwalay na departamento para sa mga OFW ay parang itinutulak na rin niya ang mga Pinoy na mangamuhan sa ibang bansa.
Ganern, sir?
Para maisulong lamang ang inyong pa-ngarap na mabura ang taguring overseas worker/domestic helper capital of the world ay isasantabi na ang pokus at tutok na pagkalinga sa mga OFW?
Unang-una, sapat ba ang mga trabahong nakalaan sa mga Pinoy dito sa Pilipinas? At kung meron man, akma ba ito sa kakayahan nila?
Sapat ba ang mga ospital at mga tanggapan sa bansa para sa mga nurse, engineer at iba pa? Paano rin ang mga laborers at unskilled workers na gusto ng malaking kita? Dapat ding tandaan na malaking bilang ng mga OFW ay sea-based. May paglalagyan po bang barko ang libo-libong marino at cruise workers sakaling gusto nilang manatili sa bansa? Noong 2015, mahigit 400,000 ang nai-deploy.
Ikalawa, kaya na ba ng ekonomiya ng bansa na lumago nang walang tulong mula sa kita ng mga Pinoy abroad? Noong 2016 ay umabot sa $26.9 bilyon ang cash remittance habang noong 2015 ay pumalo ito sa $25.61 bilyon. Baka nakakalimutan na rin na habang nakaranas ng recession ang maraming bansa ilang taon na ang nakararaan ay nanatiling nakatayo ang Pilipinas, salamat sa ipinapadalang kita ng mga OFW sa kanilang mga pamilya.
Ikatlo, hindi ba taliwas ang nais ni Bello sa target ni Duterte na gawing prayoridad ng kanyang pamahalaan ang isyu at interes ng mahigit 10 milyong OFW? Sayang naman ang mga nasimulang proyekto ng administrasyon gaya ng one-stop kung saan nasa iisang tanggapan na lamang ang mga ahensya na nago-offer ng serbisyo na may kaugnayan sa pangangailangan ng mga OFW, pagpapabilis ng proseso ng passport, pagtatanggal ng overseas employment certificate (OEC) at ang mabilis at sistematikong pagpapauwi sa mga kababayang nawalan ng trabaho sa Middle East.
At huli, aminin man ng kagalang-galang na kalihim o hindi, kahit ano pang klaseng trabaho ang ialok ng pamahalaan at pribadong sektor sa mga Pinoy, mas pipiliin ng karamihan ang magtrabaho sa ibang bansa kung saan di hamak na mas malaki ang suweldo.
Sa laki ng ambag ng mga OFW sa paglago ng bansa, ngayon na ang panahon na ipakita ang pasasalamat ng gobyerno sa kanila sa pamamagitan ng hiwalay na kagawaran na tanging sila lamang at ang kanilang mga pamilya ang tututukan?
Sana’y huwag itong ipagkait ni Bello.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.