Tatlo pang kasapi ng Abu Sayyaf ang napatay nang makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan sa Clarin, Bohol, Sabado ng gabi, ayon sa militar Linggo.
Naganap ang engkuwentro dakong alas-8 sa Brgy. Caboy, sabi ni Capt. Jojo Mascariñas, Army 302nd Brigade civil-military operations officer.
Ang Caboy ay nasa silangan ng Brgy. Bacani, kung saan si Josellito Melloria, isang Boholano na sumali sa Abu Sayyaf, ay napatay sa unang bakbakan Sabado ng tanghali, ani Mascariñas.
Bukod sa tatlong bangkay, nakarekober ng isang M16 rifle at M14 rifle matapos ang bakbakan sa Caboy, aniya.
Inaalam pa ng mga pulis at sundalo ang pagkakakilanlan ng mga nasawi, ani Mascariñas.
Dahil sa bakbakan sa Brgy. Caboy, umakyat sa apat ang bilang ng mga napatay na Abu Sayyaf sa isang araw.
Una nang inihayag ng pulisya’t militar na pitong kasapi ng Abu Sayyaf ang nakatakas matapos ang halos isang-araw na sagupaang ikinasawi ng apat na bandido, kabilang si sub-commander Muamar Askali alyas “Abu Rami,” sa Inabanga noong Abril 11.
Sa isang joint statement, inihayag ng Armed Forces’ Central Command (CentCom) at Central Visayas regional police na dahil sa pagkamatay ni Melloria ay nawalan na naman ng lider ang mga natitirang bandido, matapos ang unang pagkakapatay kay Askali.
“Melloria, being a native of the province, (had) assumed command and led the group in its attempt to escape pursuing government troops. His death left the group with no leader and direction,” ayon sa kalatas.
Matapos naman ang pagkamatay ng tatlo pang bandido Sabado ng gabi, naniniwala ang militar na malapit nang mabura nang tuluyan ang bantang dala ng mga ito sa Bohol.
“It could just be a matter of time before we can say that the threat is totally eliminated. The remaining lawless armed elements who are strangers in the area have nowhere to go,” ayon sa kalatas na inilabas ng CentCom.
Ayon pa sa regional military command, tuloy pa rin ang paghahanap ng mga sundalo’t pulis sa mga nalalabi pang bandido.
“Our combined troops will remain cautious in their mission to neutralize what remains of the armed lawless group. The safety of our peace-loving people is of paramount consideration as we deliver the final blow to the stragglers,” anang CentCom.
Tiniyak din ng militar na bibigyan ng disenteng libing ang mga napatay na bandido.
“Despite of the reported hostile plan of these lawless armed men, they will still be afforded with decent burial by the people they planned to harm.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.