Hamon kay Andi: Kung matapang ka talaga, harapin mo si Jake!!!
SINUMPONG na naman si Andi Eigenmann. Ginawa na naman niyang kakampi-sumbungan ang kanyang social media account sa sobrang galit niya kay Jake Ejercito.
Kung anu-ano na namang negatibong komento ang ikinakambal niya sa ama ng kanyang anak na si Ellie, namumulaklak na naman sa galit ang kanyang dila, pati ang buong pamilya ni Jake ay idinadamay na rin ni Andi sa kanyang pagmamaktol.
Sana, kung talagang hindi na mapigil ni Andi ang kanyang emosyon, ay sumentro lang siya sa isang paksa. Kung galit na galit siya kay Jake na ang dahilan ay siya lang naman ang nakakaalam, sana’y hindi na niya idinadamay pa ang mismong pamilya nito, dahil silang dalawa lang naman ang may problema.
Silang dalawa ang pumili ng ganitong sitwasyon, wala namang nagtulak sa kanila para magmahalan at pagkatapos ay maghiwalay, kaya ano ang kinalaman ng pamilya Estrada sa kanyang galit?
Bakit niya tatawaging walang puso ang pamilya, bakit niya itinatanim sa kanyang utak na ginagamit ng pamilya ang kanilang kapangyarihan, ano ba ang masamang ginagawa sa kanya ng pamilya Estrada para ganituhin niya?
Kasalanan bang humingi ng tulong sa husgado si Jake para sa joint custody kay Ellie? Kung nakipag-usap siya nang maayos sa ama ng kanyang anak, kung una muna niyang inintindi ang kapakanan ni Ellie, hahantong ba sa ganito ang usapin?
Napakahusay niyang tumalak sa social media, ang galing-galing niyang maghabi ng script, bakit hindi niya komprontahin ang problema kaharap si Jake Ejercito?
Ganu’n ang matapang!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

