Xander Ford muntik hiwalayan ng dyowa, inuna pa alak kesa gatas ng anak
MUNTIK nang layasan ng kanyang kinakasama ang social media personality na si Xander Ford dahil sa pakikipagbarkada.
Rebelasyon ni Gena Mago, balak na niyang iwan noon si Xander dahil inuuna pa raw nito ang pagbibigay ng ambag sa alak sa inuman ng barkada kesa pambili ng gatas para sa kanilang anak.
Nagkabukingan ang magdyowa sa mga pinagdaanan nilang pagsubok at problema sa kanilang pagsasama bilang live-in partners sa panayam sa kanila ng “Kay Susan Tayo! Vlogs.”
“Muntik na talaga kaming maghiwalay, puro laro lang po kasi. Yun po yung time na may sakit yung anak namin,” simulang pagbabahagi ni Gena.
“Tapos sabi ko po, kailangan nang dalhin sa ospital yung anak mo. Tapos siya po parang wala lang, naglalaro lang siyang ganyan.
“Kapag hihingi naman ako ng gatas dati, ‘uy wala nang gatas anak mo… (pero wala pa rin siyang ginagawa),” sey ni Gena.
Pagbabahagi naman ni Xander, “Naaalala ko pa, sabi niya sa akin, ‘Mas lamang pa yung ambag mo sa alak ng tropa mo kesa sa gatas ng anak mo.'”
Ngayon daw ay ibang-iba na si Xander, ang paniniyak ni Gena. Palagi na nitong inuuna ang kanyang pamilya at talagang naging matulungin sa ibang tao.
“Ang alam lang po kasi sa kanya ng ibang tao ay yung mga bad side niya. Pero parang natatakot na rin po kasi kami na ipakita yung ganu’ng side niya. Kasi po iba-bash din lang siya.
“Ang sinasabi po (ng mga haters) ‘Ay wala yan, pakitang-tao lang ‘yan, parang ganu’n.’ Matulungin siya sa family, kahit sa family ko basta mayroon po siya, bigay lang nang bigay,” pahayag ni Gena.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
