UST sibak sa DLSU sa UAAP Volleyball Final Four game
Dennis Christian Hilanga - Bandera April 22, 2017 - 07:23 PM
PINATALSIK ng defending champion De La Salle University ang katunggaling Universtiy of Sto.Tomas, 25-14, 25-20, 24-26, 25-13, Sabado sa kanilang Final Four game upang sungkitin ang unang finals berth ng UAAP SEason 79 women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikasiyam na sunod na finals appearance para sa Lady Spikers na hangad mapanatili ang korona sa kanilang mga ulo matapos itong agawin sa karibal na Ateneo Lady Eagles noong nakaraang taon.
Nanguna para sa La Salle si Mary Joy Baron na may 13 kills at apat na blocks kabilang ang panapos na palo habang umiskor nang 13 at 12 puntos sina Ernestine Tiamzon at Kim Dy ayon sa pagkakasunod.
Parehong may 11 puntos si Desiree Cheng at Kim Fajardo na nagtala rin ng 39 excellent sets na nagdala sa magandang opensa ng La Salle.
Agad na kinuha ng Lady Spikers ang commanding 2-0 set lead bago bumangon ang Tigresses sa ikatlong set kung saan muling na-sprain ni EJ Laure na napaiyak pa sa sakit ang kanang bukung-bukong na kanya ring natamo sa huling laban kontra National University.
Hindi sinasadyang nabagsakan ng kanang paa ni Laure, matapos ang block ni Mary Joy Baron, ang paa ng Lady Spikers blocker kung saan lamang pa ang UST 6-3. At tulad ng ipinamalas na giting sa laro kontra Lady Bulldogs, nagbalik si Laure upang agad na gumawa ng dalawang sunod na puntos para itabla ang iskor,15-all sa ikatlong set tungo sa pagsasara ni Cherry Rondina sa set gamit ang isang spike sa gitna ng court.
Ngunit pagdating ng ikaapat na set ay tuluyan nang kinontrol ng DLSU ang laban na agad rumatsada ng 8-1 panimula at hindi na pinahirit pa ang UST na makasunod.
Namuno para sa Tigresses si Cherry Rondina sa ginawang 16 kills habang si EJ Laure ay may 14 puntos.
Makakaharap ng Taft-based spikers ang magwawagi sa pagitan ng Ateneo de Manila University at Far Eastern University na magtatapat bukas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.