3 sasakyan inararo ng trak: 7 patay, 4 sugatan
Pito katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi nang salpukin ng trak ang tatlong sasakyan sa Cagayan de Oro City kagabi, ayon sa pulisya. Kabilang sa mga nasawi si Ronnie Visande Abrio, 46, at mga anak niyang sina Kenneth, 10; Stephanie, 7; at Sophia, 5, sabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Northern Mindanao regional police. Nasawi rin sina Mae Bonior, 17; Vanessa Tadlas, 29; at Vevine Nacaya, 23; habang sugatan sina Kristel Anne Moldez, 30; Runie Llubia, 44; Kent Felicilda, 27; at Kurt Angel, 22. Naganap ang insidente dakong alas-9, habang minamaneho ni Fredie Talisayan ang 6-wheeler truck (YDY-562) sa mataong bahagi ng National Highway sa Brgy. Cugman. Unang sinalpok ng trak ang motorsiklo ng mga Abrios at, makaraan ang ilang metro pa ng pag-andar, ay sinalpok naman ang isang “motorela” (isang uri ng tricycle na mukhang maliit na jeepney) at isa pang motor. Lango sa alak si Talisayan nang maganap ang insidente, ani Gonda. “Lasing itong driver, sinabihan na nga ng half-brother niya, ‘yung helper, na siya na ang magmamaneho kasi nga lasing, eh nagpumilit pa rin,” aniya. Tinatayang tumatakbo sa bilis na 100 kilometro kada ora ang trak noong minamaneho ni Talisayan, ayon kay Gonda. Nang mahinto ang trak matapos makanal, sumugod ang mga galit na residente at kinuyog si Talisayan. “Taumbayan ang umaresto, galit na galit sa kanya,” ani Gonda. Nakaditine ngayon si Talisayan at ang pahinanteng si Felix Talisayan, na kanyang half-brother, sa Cagayan de Oro City Police Station 10 habang hinahandaan ng kaukulang kaso, ani Gonda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.