2 Malaysian nabawi sa Abu Sayyaf | Bandera

2 Malaysian nabawi sa Abu Sayyaf

John Roson - March 23, 2017 - 03:16 PM
abu-sayyaf Nabawi ng mga tropa ng pamahalaan ang dalawang Malaysian hostage mula sa Abu Sayyaf sa Kalinggalang Caluang, Sulu, Huwebes ng umaga, ayon sa militar. Narekober sina Tayudin Anjut, 45, at Abdurahim Bin Sumas, 62, sa operasyon ng Marines dakong alas-2, sabi ni Maj. Gen. Carlito Galvez, hepe ng Armed Forces Western Mindanao Command. “The rescued kidnap victims are weak and in a sickly state when they were rescued. Military doctors are now attending to them in our hospital in Sulu,” aniya. Natagpuan sina Anjut at Sumas sa isang maliit na bangka sa bahagi ng dagat na malapit sa Brgy. Karudong, sabi ni Capt. Jo-Ann Petinglay, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command. Una dito’y nakatanggap ang mga kawal ng tip na si Abu Sayyaf sub-commander Alhabsy Misaya at 30 armadong tagasunod ay nagtatago sa mga bakawan sa naturang barangay, kasama ang dalawang bihag na Malaysian, ani Petinglay. “May contact silang (Marines) na nakuha, na medyo malalim-lalim, nagbigay ng info na ita-transport itong dalawang Malaysian kaninang umaga so the troops were there to intercept,” aniya, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa mga kawal. Naging maingat ang mga tauhan ng Marine Ready Force Sulu, Marine Special Operations Group, at Marine Battalion Landing Teams 1 and 3 dahil maaaring magkabakbakan sa dilim at malagay sa panganib ang mga bihag, pero di natagpuan ang mga kidnaper, ani Petinglay. “Nung lumapit ‘yung tropa, may isang bangka at ‘yung dalawang Malaysian na lang ang nandoon. We assume na nakita ng mga kasamang kidnappers na palapit na ang Marines. Baka mayroon pa itong kasamang ibang nasa boat din, na nakaisip na kung dadalhin pa nila ‘yung dalawa, magiging liability pa sa kanila,” aniya. Ayon kay Petinglay, ang operasyon ay bunsod ng intelligence monitoring, na pinalakas mula nang makasagupa ng mga kawal ang grupo ni Misaya sa Capual Island noong Pebrero 7. Matatandaan na walong tagasunod ni Misaya ang napatay sa naturang engkuwentro. Sina Anjut at Sumas ay kabilang sa limang Malaysian crew member ng Tugboat Serudung 3 na dinukot noong Hulyo 19, 2016 sa bahagi ng dagat na malapit sa Dent Haven, Tambisan, Lahad Datu, Sabah. Grupo ni Sibih Pissih, na isa ring Abu Sayyaf sub-commander, ang dumukot sa lima, ani Petinglay. Unang naiulat na nawawala ang lima matapos matagpuang palutang-lutang ang kanilang tugboat at barge malapit sa Tanjung Labian, doon din sa Lahad Datu.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending