Female celeb na inaapi noon ng sariling pamilya niregaluhan ng magandang buhay
TOTOONG umiikot ang gulong ng buhay. Totoong-totoo na mapaglaro ang kapalaran. Ang mga nasa itaas nu’n ay puwedeng nasa ilalim na at ang mga dating nasa ilalim ay nagpipista naman ngayon sa karangyaan.
Sino nga ba ang mag-aakala na ang dating inaaping anak ay siya pang itinuturing na poste ngayon ng kanyang pamilya? Dating hindi pinapansin, pero ngayon ay sentro na ng atensiyon ng kanyang mga mahal sa buhay, dahil madatung na siya.
Ganu’n mismo ang nangyari sa buhay ng isang personalidad na kung ituring nu’n ng kanyang mga magulang at kapatid ay parang hangin lang na dumaraan sa kanilang harapan. Parang wala lang.
“Nakakaawa ang taong ‘yan nu’ng mga bata pa silang magkakapatid. Walang-wala siyang nakukuhang atensiyon mula sa family nila, kasi nga, hindi siya kagandahan. Parang walang pakinabang sa kanya.
“Kulang na kulang siya sa pagmamahal, pero wala siyang galit sa family niya. Tinanggap lang niya ‘yun, nangarap siya, hanggang sa sumali na nga siya sa isang reality show,” simulang kuwento ng aming source.
Palibhasa’y may talento at buhay na buhay ang utak, nagtagumpay ang female personality, niregaluhan siya ng magandang career ng kanyang network.
“Siyempre, malaki na ang kinikita niya, kaya biglang nagbago ang tingin sa kanya ng pamilya niya. Ang mga kamag-anak niyang ni hindi pumapansin nu’n sa kanya sa probinsiya, e, kilalang-kilala na siya ngayon.
“Maganda ang puso ni ____ (pangalan ng babaeng personalidad), hindi siya nagtatanim ng galit sa puso niya. Kahit nga yata tampo, e, hindi siya nag-iipon, kaya naman sinusuwerte pa siyang lalo ngayon.
“Gusto kasi niyang masaya ang lahat ng mga mahal niya sa buhay, gusto niya ng magandang kapaligiran, talagang magandang buhay ang gusto niya,” pagtatapos ng aming impormante.
Kayo, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, magandang buhay rin ba ang gusto n’yo? Getlak na ba?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.