Blackmail ng mga jeepney driver | Bandera

Blackmail ng mga jeepney driver

Ira Panganiban - March 20, 2017 - 12:05 AM

SA napakatagal na panahon, ang mga unyon ng mga tsuper ng jeepney sa Pilipinas ang isa sa pinakamalakas na organisasyon ng obrero sa bansa.

Huwag lang kumibo ang pamahalaan na disiplinahin sila at siguradong haharap ang mamamayan ng paralisasyon sa transportasyon.

Kahit ang dating diktador na si Ferdinand Marcos ay hindi umubra ang yabang at tapang sa mga unyon ng jeepney. Noon pa man ay ninais na linisin na ang lansangan sa mga jeepney na ito at mapalitan ng mas modernong public transportation tulad ng Metrobus at Love Bus.

Pero dahil nga sila ang mas convenient na paraan ng pagbiyahe ay hindi sila masawata.

Kamakailan ay naglabas ng kautusan ang Department of Transportation para tuluyan nang alisin ang mga luma, delikado at kakarag-karag na mga jeepney sa bansa, subalit isang araw ng transport strike lamang at biglang atras na ang pamahalaan.

Suspendido na ang matagal nang inaasahang “Jeepney Phase-Out.” Walang laban ang pamahalaan sa blackmail ng mga ito.

Bakit nga ba parang ang tibay nila at kayang pigilin ang buhay ng Pilipino kung kailan nila naisin? Nagagawa ito ng mga jeepney driver unions dahil na rin sa nakasanayang katamaran ng Pilipino sa mga siyudad.

Dahil ayaw natin pumila o maglakad nang konti. Tanging sa Pilipinas lang natin makikita na ang public transport ay pag-aari ng pribadong mamamayan.

Hindi pa nga korporasyon o kooperatiba na maaring gawaran ng regulasyon, kundi indibidwal na nagmamay-ari ng isang jeep at maaaring gawin ang gusto nila.

Tanging sa Pilipinas mo lang makikita na ang public transport ay maaaring huminto, magsakay, pumarada at bumalandra sa gitna ng lansangan na ang tanging dahilan ay “mabuti’t naghahanapbuhay sila imbes na nagnanakaw.”

Tanging sa Pilipinas mo lang makikita na ang pasahero ay sa gitna ng lansa-ngan naghihintay ng public transport at hindi pansin ang mga waiting sheds na pinagawa ng kanilang congressman sa milyong halaga.

Tanging sa Pilipinas mo lang makikita na ang jeepney ay humihinto kada 50 metro dahil kailangan bumaba ng pasahero sa harap mismo ng gusali kung saan siya pupunta kahit 10 hakbang na lang ang layo niya rito.

At ang katamaran at kakulitan ng mga pasahero ang susi sa kapangyarihan ng mga jeepney driver na magawa ang gusto nila, kasama na rito ang patuloy na paggamit ng mga bulok at karag-karag na jeepney kahit delikado na sa buhay ng pasahero.

Ang problema nga lang, hanggang hindi nawawala ang mga jeepney, hindi mapipilit ang mga pasahero na maghintay sa tamang sakayan. At tuwing susubukang tanggalin ang mga jeepney ay siguradong transport strike ang haharapin ng pamahalaan.

Diyan epektibo ang blackmail ng mga jeepney driver unions sa gobyerno.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa komento o reaksiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending