‘May katigasan ang ulo ni Nora kaya nawiwindang ang buhay!
ANG paglutang ng kontrobersiya tungkol sa hindi pagdalo ng Superstar sa grand finals ng Tawag Ng Tanghalan ng It’s Showtime ay isang patunay na kahit paano’y ramdam pa rin natin ang presensiya ni Nora Aunor.
Pinag-uusapan pa rin siya. Positibo o negatibo man ang mga komento ay isang patotoo ‘yun na mabenta pa rin sa merkado ng mga intriga at kontrobersiya ang aktres.
‘Yun nga lang, minsan ay pinapatulan siya ng mga personalidad na sangkot sa isyu, minsan naman ay hindi siya pinapansin, depende na lang ‘yun sa sitwasyon, pero nasa gitna pa rin siya ng entablado.
Marami kasing humuhusga na tapos na ang karera ng Superstar, paganyan-ganyan na lang daw ang estado ng kanyang pagkaartista, minsang may proyekto at mas madalas na wala.
Tanggap naman ng marami nating kababayan na hindi na siya kasingsikat nang dati, napakalayo na ng takbo ng career niya ngayon sa pagiging super-sikat niya nu’n, pero ang mahalaga ay nandiyan pa rin siya.
Sana lang ay makatagpo ang aktres ng taong pakikinggan niya ang mga payo, sana’y magkaroon siya ng pambalanse, para hindi nagiging ganyan ang kanyang disposisyon.
Kunsabagay, kahit naman ang mga taong nakakasama niya dati ay may deklarasyon na may katigasan talaga ang ulo ng aktres, mahirap siyang ispilengin, kaya nagkakawindang-windang ang kanyang mga desisyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.