Valdez, Fajardo mangunguna sa PH volleyball team members
KABUUANG 24 manlalaro sa pangunguna nina open hitter Alyssa Valdez at setter Kim Fajardo ang inaasahang ihahayag ngayong umaga bilang miyembro ng Philippine volleyball team ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) matapos ang mahigit dalawang buwan nitong pagsasagawa ng tryout sa buong bansa.
Ang komposisyon ng piling-pili na mga miyembro ng Philippine women’s at men’s volleyball teams ay malalaman ngayon sa isasagawang lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa ganap na alas-10:30 ng umaga sa Aura Ballroom ng Golden Phoenix Hotel sa Diosdado Macapagal Ave., Sunrise Drive, Pasay City.
“We will have a thorough deliberation today (Lunes) and then another one final discussion early morning tomorrow (ngayong Martes) for the announcement,” sabi ni LVPI president-on-leave Joey Romasanta, na inaasahang makakasama si LVPI vice-president Peter Cayco.
“Our coaches, Francis Vicente for the women’s team, and Sammy Acaylar, for the men’s team had already submitted their list of players for the national team. However, they still need to justify their selection dahil hindi lamang basta may players ka na ay hindi ka na kukuha ng mga reserves,” sabi pa ni Romasanta.
Hindi naman inihayag ni Romasanta kung kasama sa listahan ang popular na volleyball players na sina Valdez ng Ateneo de Manila University at Fajardo ng De La Salle University bagaman sinabi ng ilang sources na coach na mahirap na hindi isama sa koponan ang dalawa dahil sa importante nilang posisyon.
Isa sa inaasam na makakasama sa pambansang koponan si Dindin Santiago-Manabat upang makasama ng isa pa sa inaasahang mapapabilang sa koponan na kapatid nito na 6-foot-7 na si Jaja Santiago bagaman hindi masiguro ang kakayahan nito matapos magsilang sa una nitong anak.
Maliban kina Fajardo at Santiago, ang iba pang manlalaro na sumabak noon sa 2016 FIVB Women’s Club World Championships na sina Mika Reyes, Frances Molina, Jovelyn Gonzaga, Jennelyn Reyes at Rachel Ann Daquis ay inaasahan din na makakasama sa pool.
Huli naman nagsagawa ng tryout noong Linggo ang LVPI para sa mga manlalaro ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) kung saan inimbitahan ang mga Ateneo stars na sina Jia Morado, Kat Tolentino at Maddie Maddayag pati na rin ang mga karibal sa La Salle na sina Kim Dy at Dawn Macandili.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.