Ang Batong mababaw | Bandera

Ang Batong mababaw

Lito Bautista - March 10, 2017 - 12:10 AM

SA katapus-tapusan, walang magagawa ang katigasan ng ulo. Maghahari pa rin ang kapangyarihan ng Diyos kahit ipagpilitan ang katigasan ng ulo. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Jon 3:1-10; Slm 51:3-4, 12-13, 18-19; Lc 11:29-32) sa unang linggo ng Kuwaresma.

Hindi mahirap hanapin ang matitigas ang ulo. Nariyan ang patuloy na nasisiyahan sa banta ng pamamaslang, ang naninindigan sa naglulubid na kasinungalingan, ang konsintidor sa kasamaan ng mga pulis, ang nakikinabang sa katiwalian, ang pabaya sa karukhaan…

Napakababaw naman ng pag-iisip ni Bato na isali ang mga pari sa tokhangan. Isang araw pagkatapos ibinalik ang tokhang, siyam ang patay sa Malolos, Bulacan. Di kinagat ng Diocese of Malolos, na may sariling pasya minsan sa mga utos ng CBCP, ang biro’t insulto ni Bato. Pag sumablay, sisisihin ang pari. Pag napatay ang pari, matutuwa ang nanunuluyan sa Malacanang, na galit sa pari.

Di kayang pigilan ng mga pari ang paglaganap ng droga sa Bulacan. Bukod sa nariyan pa ang drug lord, kinanlong din ng mga opisyal ng gobyerno, pati ang nasa barangay, ang droga, kapalit ng pera. Ang tanging nagawa na lang ng simbahan ay patuluyin sa kanilang drug rehab centers ang nais magbago, isa na riyan ang Galilee Home sa Dona Remedios Trinidad, na 27 taon nang naglilingkod, maging sa di Katoliko, bukas at di ikinakandado; malayang pumasok, malayang lumabas.

Kundi ba naman simbobobo ng scalawags ang PNP, bakit isasama ang pari sa pag-aresto, na isa sa mga nagaganap sa tokhang, bukod sa pamamaril sa mga pakay nito? Ang misyon ng pari sa labas ng simbahan ay pastoral, pati na ang pagdalaw sa bilanggo, mga may sakit at pagbibigay ng huling sakremento sa mamamatay. Pito lang ang Corporal Works of Mercy at wala rito ang sumama sa tokhangan.

Sa Caloocan, 34 ang hinuli, walang patay. Puwede naman palang manghuli nang walang pinapatay. Pero, may mamamatay din. Umaapaw na ang City Jail. Bukod sa nagkakasakit at namamatay sa siksikan, puwede ring sumiklab ang riot at jailbreak. Kunsabagay, gusto ng tiwaling jail guards kung marami ang preso. Maraming kita.

Hayagan ang pandaraya ng mga senador sa di paghahayag sa taumbayan ng malalaking pera na kinokopo nila sa mga komite na kinaaaniban. Higit na malaking pera ang kabig kapag chairman ng komite. Ang mga allowances ay bukod sa suweldo, perks, unlimited expense accounts, charge accounts, discretionary fund (di ito ino-audit, kaya puwedeng ibulsa), pork barrel, atbp.

Kapag mambabatas na, sumusulpot ang masasamang bisyo: ang kumain sa five-star hotels, yakagin ang kapwa mga mambabatas at magkunwaring tatalakayin ang “important legislative matters,” tumungga ng mamahaling champagne at mamulutan ng imported at mamahaling mga keso. Sa mga tomador, babaha ang alak na ang magbabayad ay taumbayan. Ang katakawan sa pera ng mga mambabatas ay nakita sa Corona impeachment.

Di na mapasusubalian na may DDS nga, mula sa kapani-paniwalaang kasinungalingan ni Arthur Lascanas. Lumambot si Digong at inaming meron nga pero ito’y di ginamit sa mga walang laban, kundi sa mga miyembro ng Sparrow Unit ng NPA. Ginagamit din daw ito sa mga insurekto. Sa kanyang pag-amin ay walang pagmumura. Ganti ng Diyos (gumanti ang Diyos sa Sodom at Gomorrah)?

Si Lascanas, na dating kaibigan, ang umuga kay Digong. May paalala ang Pagninilay sa Unang Pagbasa ng Ebanghelyo (Sir 6:17) sa ikapitong linggo sa karaniwang panahon hinggil sa kaibigan. Pinag-iingat tayo sa pagpili ng kaibigan. May kaibigang tapat hanggang sa may nahuhuthot. May kaibigang tapat pero lilipat dahil sa kinang ng pera. Sayang. Di naman kasi nakikinig si Digong sa mga pari.

Sina Marcos, Cory, FVR at GMA, kahit paano, ay nakikinig din naman sa mga pari. Ang kapangyarihan ay nakalalasing, o high na parang naka-shabu. Kay FM, inalok niya ng power-sharing si JPE; Cory at FVR, yukod kay Sin; GMA umayon sa mga cardinal at obispo. Ang binhi ng kapangyarihan, kapag masama, ay sisira bago bumukad.

PANALANGIN: Sa ngalan ni Jesus, inuutusan ko ang lahat ng kasamaan na lumayo ngayon din sa amin. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.

MULA sa bayan (0916-5401958; [email protected]): Hindi na gumagaan ang trapik sa Binan at Turbina. …6670

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Let’s cyanide shabu. ernie…@yahoo.com

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending