Morales lalayo kay Roque sa Stage 12 | Bandera

Morales lalayo kay Roque sa Stage 12

Angelito Oredo - March 02, 2017 - 12:05 AM

ILOILO CITY — Pilit na ilalayo ng kilala bilang Individual Time Trial (ITT) expert na si Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance ang distansiya sa pagitan ng kanyang oras at kakampi na si Rudy Roque sa pagpapatuloy ngayon ng LBC Ronda Pilipinas 2017 sa krusyal na Individual Time Trial Stage 12 na gagawin sa Guimaras.

Ang 31-anyos na si Morales ay kasalukuyang nasa liderato ng karera sa natipon na 37 oras, 25 minuto at 56 segundo o mahigit na dalawang minutong nakakalamang sa kapwa Navy rider na si Roque na nasa ikalawang puwesto sa kabuuang oras na 37:28:11.

Kaya nais ni Morales ang mas matinding pagtatapos ngayon sa 40-kilometrong ITT na posibleng magdedetermina sa pag-uwi nito sa kanyang pinakaaasam na kasaysayan bilang unang back-to-back champion sa Ronda Pilipinas.

“Huwag lang po tayong magkaroon ng problema sa bisikleta at sa kalsada, posible po natin masungkit ang panalo,” sabi ni Morales.

Tatlong yugto na lamang ang natitira sa karera kabilang ang ITT race ngayon sa Guimaras.
Mapanghamon ang ruta ng 40-km ITT na Stage 12 kung saan pakakawalan isa-isa ang mga siklista upang tahakin ang unang 10 kilometro na pababa bago nito atakahin ang natitirang 30 kilometro na diretsong akyatin.

“Iyun po talaga ang matinding hamon kaya krusyal po ang ITT na ito,” sabi naman ng 25-anyos na si Roque, na pilit na lamang poprotektahan ang pagiging ikalawa sa kakampi na si Morales.

“Pangarap ko rin po maging kampeon sa ganito kalaking karera pero kontento na rin po ako kahit pumangalawa basta kakampi ko ang panalo,” sabi ni Roque, na ang pinakamagandang pagtatapos sa karera ay ikasiyam na puwesto sa unang pagsasagawa ng karera anim na taon na ang nakalipas.

Ang huling tatlong yugto ay nagmistulang labanan ng dalawa katao na sina Morales at Roque kung saan ang ikatlo na nasa overall na si Kinetix Lab-Army Cris Joven ay mahigit na 11 minuto napag-iiwanan sa 37:37:03 oras.

Nasa ikaapat si Go for Gold Bryant Sepnio (37:41:33) habang ikalima si RC Cola-NCR Lionel Dimaano (37:46:05). Ikaanim hanggang ikawalo sina Ilocos Sur Ryan Serapio, Daniel Ven Carino at Navy team captain Lloyd Lucien Reynante sa 37:47:16, 37:48:28 at 37:48:43 oras. Isa pang Navy na si Ronald Lomotos at ang Kinetix Lab-Army na si Reynaldo Navarro ang nagkumpleto sa Top 10 sa 37:48:45 at 37:49:49 oras.

Samantala, mistulang huling karera na para sa 38-anyos na si Reynante ang tatlong natitirang yugto matapos itong magdesisyon na tuluyang isabit na ang kanyang racing jersey at bisikleta at magretiro.

“This will be the last year I’m competing competitively. It has been a memorable career for me and I think its time to rest my body,” sabi ni Reynante, na magreretiro na rin sa Navy sa Hulyo matapos ang 20 taon sa serbisyo.

Matapos ang ITT sa Guimaras ay magtutuloy ang karera sa 209-km Iloilo-Antique-Iloilo Stage 13 sa Biyernes at ang panghuli sa Iloilo na Stage 14 criterium Sabado.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nakataya sa Ronda Pilipinas ang P1 milyon para sa kampeon mula sa presentor LBC kasama ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending