Jim Paredes malaking kahihiyan sa mundo ng OPM; pati mga bata sa EDSA pinatulan
PINANOOD namin nang paulit-ulit ang viral video ng pang-aalipusta ng singer-composer na si Jim Paredes sa mga kabataang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Maaga pa nu’n, hindi rin kabilugan ng buwan, pero ano nga kaya ang kinain ni Jim nu’ng umagang ‘yun na nagbigay sa kanya ng kakaibang panlasa para maglakas-loob siyang manugod para lang komprontahin ang isang grupo ng mga kabataang hindi naman nanggugulo sa selebrasyon ng People Power.
Mainit na mainit si Jim Paredes. Kung anu-anong pinaniniwalaan niya ang idinuduldol niya sa utak ng mga kabataang mabuti na lang at nagpairal ng edukasyon habang nagtatalak siya.
Paano kung isang grupong pikon din na tulad niya ang natapatan ng matanda nang singer? Paano kung patulero ring tulad niya ang natagpuan niya? Ano ang inaasahang mangyayari ng dating hinahangaang miyembro ng Apo Hiking Society – katahimikan?
Nakapagtataka lang kung bakit naging ganito na ang singer-composer na ito, wala namang problema kung may pinaninindigan siyang paniniwala, pero sana’y huwag niyang ipakain sa buong mundo na siya lang ang tama at ang iba ay maling-mali na.
Nakapanghihinayang ang taong ito. ‘Yan ang mahirap kapag walang masyadong pinagkakaabalahan ang isang tao, kung anu-anong walang kabuluhang bagay ang kanyang naiisip, sayang na pagtanda.
Nakakahiya sa hanay ng mga singers ang pinalulutang na ugali ni Jim Paredes. Naiintindihan namin ang pag-iling na lang ng kanyang mga kapwa musikero sa mga pinaggagagawa niya ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.