Onyok pinaiyak ang mga nanay: Love na love ko ang mama ko!!! | Bandera

Onyok pinaiyak ang mga nanay: Love na love ko ang mama ko!!!

Ervin Santiago - February 28, 2017 - 12:01 AM

primetimebida kids
PINAIYAK ng sidekick at anak-anakan ni Coco Martin sa teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano na si Onyok Pineda ang maraming nanay kahapon ng umaga dahil sa ipinakita nitong pagmamahal sa kanyang nanay.

Nag-guest si Onyok at ang kanyang Mommy Mary Ann sa morning show ng ABS-CBN na Magandang Buhay at dito nga naging emosyonal ang mag-ina nang tanungin na sila tungkol sa pagkakaiba ng buhay nila noon sa buhay nila ngayong sikat na sikat na si Onyok.

Bukod kasi sa Ang Probinsyano ay meron na ring mga TV commercial ang Kapamilya child wonder kaya talagang feeling blessed ang pamilya ng bagets.

Naiyak ang nanay habang nagkukuwento kung paano siya nagsakripisyo noon para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang dalawang anak. Talaga raw hirap na hirap siya noon bilang call center agent dahil hindi niya masyadong nakakasama ang mga bata.

Kaya raw noong nagsimula nang mag-artista si Onyok, nag-concentrate na lang siya sa pag-alalay sa anak. At nang magsimula nang umiyak si Mary Ann, napaluha na rin si Onyok. Aniya, mahal na mahal daw niya ang kanyang mama at gusto niya, palagi lang silang magkasama.

Ayaw na raw niyang magtrabaho ang mama niya at gagawin daw niya ang lahat para matulungan ang kanyang pamilya. Habang nagsasalita ang mag-ina ay ipinakita ang audience ng Magandang Buhay na nagpupunas din ng kanilang luha.

Bukod kay Onyok, special guest din sa show si Awra Briguela na nagpakitang-gilas naman sa pagluluto. Marami palang alam na recipe ang anak-anakan nina Coco at Vice Ganda.

q q q

Samantala, makulay at makahulugan ang gabi ng madlang pipol dahil gaya ng bawat pamilyang Pilipino, mga bata ang sentro at pinagmumulan ng saya ng mga nangungunang primetime series ng ABS-CBN, ito ngang FPJ’s Ang Probinsyano at My Dear Heart na parehong handog ng Dreamscape Entertainment.

Matindi ang suportang natatanggap ng child stars ng Primetime Bida dahil bukod sa kanilang mahusay na pagganap, nagsisilbi silang ehemplo sa kanilang kapwa kabataan gabi-gabi.

Una na nga riyan ang kuwelang tandem nina Makmak (Awra) at Onyok sa Ang Probinsyano. Bukod sa aksyon at drama, hindi pinapalampas ng mga manonood ang kamilang mga hirit na talaga namang nagbibigay liwanag sa bawat tahanan.

Naging markado rin ang ilan sa kanilang mga eksena na kumurot sa puso ng mga manonood. Isa na nga rito ang pag-amin ni Macmac sa kanyang tunay na pagkatao na nagpakita na walang masamang magpakatotoo sa sarili. Tumatak din ang madamdaming pagkakalayo nina Cardo (Coco Martin) at Onyok nang makulong ito na nagpamalas naman na hindi kailangan maging magkadugo upang mahalin ang isang tao bilang kapamilya.

Tuloy-tuloy din ang saya dahil nadagdagan pa ng mga batang karakter ang palabas gaya nina Paquito, Dang at Ligaya, na talaga namang kinaaaliwan ng mga manonood.

Samantala, kasama ring nagdadala ng ligaya tuwing gabi ang nakaaantig na kuwento ng My Dear Heart, na pinagbibidahan naman ni Heart Ramos.

Bagamat bata at maliit, mayroon namang malaking puso si Heart na pinagmumulan ng pagmamahal at lakas ng kanyang mga magulang. At kahit nasa hindi magandang kundisyon, hindi pa rin tumitigil si Heart na gawin ang lahat upang mapasaya ang pamilya sa pagtulong niyang mabago ang buhay ni Dra. Divinagracia (Coney Reyes) at paggawa ng paraan upang gumaling kahit siya pa ay isa nang kaluluwa.

Katuwang naman niya sa pagbibigay kulay sa kanilang buhay ang matalik niyang kaibigan na si Bingo, na kaagapay niya sa tuluyan niyang paggaling.

Dahil nga sa matinding suporta ng mga manonood, usap-usapan gabi-gabi ang mga serye sa social media at palaging trending online. Nanatili rin itong panalo sa kani-kanilang timeslots mula ng umere ang parehong serye sa telebisyon, ayon sa datos ng Kantar Media.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Patuloy na tutukan ang mga bagong child wonder ng ABS-CBN sa Ang Probinsyano at My Dear Heart sa Primetime Bida.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending