TATLONG buwan mula ngayon o sa paglabas ng IRR ng bagong RA 10586 o ANTI-DRUNK AND DRUGGED DRIVING ACT OF 2013, kalaboso na ang mga nagkalat na lasing at sabog sa droga sa lansangan na matagal nang perwisyo sa bayan.
Pagtatalunan na lang ang threshold sa breath analyzers kung 0.05 blood alcohol level o drugs o mas mataas pa ang ituturing na batayan ng pagkalasing. Sa America, 0.08 ang karaniwang gamit pero dito sa Asya ay 0.05.
Sabi ni LTO Asec Virgie Torres, may posibilidad na itong huli ang aaprubahan ng IIR committee. Kung susuriin, ang pag-inom ng isang beer sa loob ng isang oras ay garantisadong papasok sa 0.08.
Kung red wine naman, isa o dalawang baso sa loob ng isang oras , papasok din sa 0.08. Kaya naman, kung mas mababang standard ang kukunin ng LTO, talagang huli yung mga sinasabing hindi lasing pero nakainom lang.
Kung ako ang tatanungin, pampagulo lang itong mga blood levels na ito, lalot hindi naman perpekto ang mga breath analyzers kahit pa sa Amerika.
Ngayon pa lang siguradong magkakasuhan ang mga law enforcers at mga mahuhuling drivers sa “accuracy” ng kanilang pagkalasing. Parang PCOS machine iyan na tiyak na pagmumulan ng kontrobersya lalot may malalaking tao ang mahuhuli.
Sana sa gagawing IIR, ang suggestion ko ay ZERO DRINKING -ZERO DRIVING POLICY ang dapat na ipairal. Hindi talaga dapat magmaneho ang mga taong nakainom ng alak o naka-drugs kahit konti o marami.
Kapag ginawang 0.05. yan o kaya’y 0.08 o mas mababa, iinom pa rin ng alak at mag-dodroga ang mga matitigas na ulong driver. Iyung iba nga riyan , bibili pa ng mga gamot o inuming pampabawas ng tama.
Bukod diyan, magkakalagayan lang sa pulis dahil magiging adjustable depende sa pera ang iyong blood level. Naalala niyo ba yung hulihan sa droga na iba ang quantity para sa mga pusher at iba ang sa user?
Sa kabuuan, napakaganda ng bagong batas na ito lalot kasong Homicide na may kulong na hanggang 20 years ang ipapataw na parusa sa mga violators. Matatakot na ng husto ang mga tsuper at kikilalanin ang responsibilidad nila sa manibela.
Inaasahan ko rin na dapat ding itaas ng IRR ng bagong batas na ito ang halaga ng buhay ng mga biktima. Kundi ako nagkakamali, P20,000 lamang ang bayad sa mga namamatay sa bawat aksidente.
Marahil , kung lasing o naka droga ang mga tsuper, dapat ay itaas ito sa P100,000 o higit pa dahil hindi na makakatotohanan at nakakadismaya ang ipinataw na presyong P20,000 sa bawat inosenteng buhay.
Ako’y may napansing kakaiba sa paglagda ni PNOY sa bagong batas laban sa drunk driving. Karaniwan ay may seremonyas ito sa Malakanyang kung saan may picture taking pa sa mga kongresista at senador na nagsulong nito sa Kongreso.
Pero ngayon ay walang seremonyas. Alam niyo ba kung bakit?
Kasi si dating Pangulong Arroyo, ang kinatawan ng second district ng Pampanga ang pangunahing sponsor nito sa 15th Congress.
Paano nga namang magkakaroon ng seremonya kung nakakulong ito sa VMMC? Pero, alam ng taumbayan na dapat bigayang kredito ang mga talagang nagtrabaho para sa batas na ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.