Grijalba wagi sa 3rd leg ng Le Tour de Filipinas
GINAMIT ni Spaniard rider Fernando Grijalba ang naging kaalaman sa ruta para magwagi sa ikatlong stage ng 8th Le Tour de Filipinas na nagtapos sa Daet, Camarines Norte Lunes.
Ang 26-anyos na sprinter ng Kuwait Cartucho.Es, na dumating mahigit isang linggo bago ang pagbubukas ng Le Tour, ay kumawala sa humaharurot na grupo ng mga siklista para sa isang sprint finish tungo sa pag-uwi ng kanyang unang career stage victory.
“I just kept my pace and attacked in the final kilometers because I know it’s hilly,” sabi ni Grijalba, na mula sa Laguna de Duero, isang maliit na bayan sa hilaga ng Madrid, Spain.
Nakasama ni Grijalba ang kababayan na si Edgar Nieto ng 7Eleven-Road Bike Philippines sa Dagupan City ng 10 araw bago ang karera at nakasabay ang kanyang matalik na kaibigan sa kabuuan ng 177.35-kilometrong ruta na nagsimula sa Naga City kahapon na may nakahandang plano ng pag-atake.
Ang overall leader na si Daniel Whitehouse ng Terrenganu Cycling Team ay napag-iwanan naman ng 1:27 sa likod ng malaking grupo ng mga riders na kinabibilangan ni Pinoy climb specialist Mark Galedo ng 7Eleven-Road Bike Philippines sa apat na araw na karerang hatid ng Air21 at suportado ng Petron, UPS, Philippine Airlines, Advanced Solutions Inc., Cargohaus Inc., CCN Sports Philippines, IWMI, NMM Customs Broker, Phenom Sportswear, UFL Philippines at WARM.
“There were attacks on the road but we were able to protect the yellow jersey,” sabi ni Whitehouse. “I’ll do whatever it takes to defend it tomorrow.”
Naunahan ni Grijalba sina Benjamin Hill ng Attaque Team Gusto at Ryu Suzuki ng Bridgestone Anchor Cycling pagdating sa finish line sa magkakaparehong tiyempo na apat na oras, 14 minuto at tatlong segundo kasama ang 13 iba pang riders.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.