Mocha magre-resign bilang board member ng MTRCB; 2 panghapong programa ng ABS-CBN inireklamo | Bandera

Mocha magre-resign bilang board member ng MTRCB; 2 panghapong programa ng ABS-CBN inireklamo

Reggee Bonoan - February 19, 2017 - 05:36 PM

MOCHA USON

MOCHA USON

MAGRE-RESIGN na raw ang sexy singer na si Mocha Uson bilang Board Member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). Nag-post siya ng video sa kanyang blog kamakailan kung saan mapapanood ang mga hinaing niya tungkol sa ahensya. Inirereklamo ni Mocha ang mga programang The Better Half ng ABS-CBN starring Shaina Magdayao, JC De Vera, Denise Laurel at Carlo Aquino (pagkatapos ng It’s Showtime) at Ipaglaban Mo na napapanood tuwing Sabado ng hapon. Ito raw yung rape scene sa Ipaglaban Mo at ang haba ng halikan at nakapatong na babae sa lalaki sa The Better Half. Gusto ring ipatanggal ni Mocha ang SPG o Strong Parental Guidance rating sa MTRCB dahil inaabuso na raw ito ng TV networks, ito raw ang dahilan kung bakit naipapalabas pa rin ang mga teleserye o drama series na maituturing na soft porn na pangunahing problema raw sa mundo ng telebisyon.

Ayon kay Mocha, “Kahit anong gawin ko na magkaroon ng pagbabago sa MTRCB at sa mga palabas na programa, wala ring mangyayari, iisa lang ako sa board members.

“Trenta ang board members, ang iba pa roon ay mga nakaupo na rati pa sa rating administrasyon at may mga nakasanayan na po silang ginagawa roon. May mga iba roon na hindi sang-ayon sa pagbabago.”

“Kaya bakit pa tayo nasa MTRCB ngayon? Bakit pa? Ano pang silbi natin sa MTRCB kung wala ring pagbabago…na patuloy pa rin ang kalaswaan, violence, kung hindi rin pala susunod ang mga pamunuan, ang mga board member sa direksiyon ng ating bana na magkaroon ng pagbabago.

“Sayang lang din ang mga tax na ibinabayad sa amin kung nakalulusot din ang mga malalaswang eksena na ipinagmamalaki pa ng mga TV network. Ngayon kung ayaw nila sa pagbabagong ito dahil sa may mga taong ayaw ng pagbabago, magre-resign po tayo, but I will still help and serve our country voluntarily.

“I will bring this up to the chairman (bagong MTRCB Chair Rachel Arenas) on Monday kung ano ang magiging feedback,” sabi pa niya sa nasabing video.

Bago ba umupo bilang MTRCB Board Member si Mocha ay nabanggit niya sa mga kasamahan niya sa ahensya ang mga concern niya kabilang na ang pagpapatanggal ng SPG rating? Kung hindi kami nagkakamali bago na-approve ang SPG ay maraming proseso ang pinagdaanan nito, bago pa naipatupad ni dating MTRCB Chair Sen. Grace Poe-Llamanzares. Kung may problema si Mocha sa mga kasamahan niya sa MTRCB siguro’y dapat kausapin muna niya ang mga ito bago niya isapubliko ang mga reklamo niya. Base sa napag-alaman namin, noong Enero pumasok si Mocha sa ahensya at nang ganapin daw ang Orientation sa mga bagong board members ay isa-isa naman silang tinanong kung may isyu silang gustong pag-usapan pero wala naman daw binanggit ang singer. Nitong Pebrero naman daw ay absent si Mocha sa meeting. Para sa amin, karapatan ni Mocha na mag-resign, pero parang mali lang na basta na lang siyang nagdedesisyon porke hindi nasunod ang mga gusto niyang mangyari. Hindi ba puwedeng pag-usapan muna nila nang masinsinan ang problema bago siya mag-desisyon at bago siya mag-ingay sa social media?
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending