Pilipinas imbitado sa 2019 Arafura Games
ISA ang Pilipinas sa mga bansa na inimbitahan sa nakatakdang pagbabalik ng Arafura Games.
Ito ang inihayag kamakailan ni Philippine Sports Commission (PSC) Executive Assistant to the Chairman Ronnel Abrenica matapos ang pormal na imbitasyon sa ginanap na pakikipagpulong ng ahensiya sa bansa sa bumisitang delegasyon mula sa Australia.
“So far, the Philippines was among the five countries invited by the host in trying to revive the biennial meet in 2019,” sabi ni Abrenica.
Dumating naman sa bansa si Australia Consul John Rivas, na isang Pilipino, at ilang kasamang special envoy, para makipagpulong kay PSC Chairman William Ramirez hinggil sa posibleng pagpapanibago nito sa memorandum of agreement para sa sports pati na rin sa pagtulong nito sa Philippine Sports Institute.
Maliban sa Pilipinas, ang iba pang bansa na inimbitahang sumabak sa 2019 Arafura Games ay ang Estados Unidos, England, Brazil, Liechtenstein at Germany.
Ang Arafura Games ay isang natatanging multi-sport event na torneo kung saan ang mga atletang may kapansanan ay nakikipagkompetensiya at nakakalaban ang mga able-bodied na atleta sa buong mundo na ginaganap sa Darwin, Australia.
Huling isinagawa ang Arafura Games noong 2011 na binubuo ng 40 bansa at mahigit sa 2,500 atleta.
Dapat sana itong isagawa noong Mayo 11-18, 2013 subalit kinansela ng bagong halal na Northern Territory Country Liberal Party government dahil sa gastusin.
Kabilang sa mga sports na pinaglalabanan sa Arafura Games ang athletics (Paralympic at Olympic events), basketball, boxing, cricket (Twenty20 format), football (soccer, kasama ang Paralympic event), golf, hockey, international lifesaving, muay thai, sepak takraw, shooting (clay target, pistol (IPSC) at pistol/air rifle (ISSF), squash, swimming (pati Paralympic events), table tennis (pati Paralympic events), tenpin bowling, triathlon, indoor volleyball, weightlifting at IPC powerlifting.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.