PH volleyball training pool sisimulang piliin
UUMPISAHAN na nina national men’s volleyball coach Sammy Acaylar at women’s team coach Francis Vicente ang pagpili sa mga manlalarong bubuo sa pambansang koponan na sasabak sa 29th Southeast Asian Games.
Ang three-day tryout ay sisimulan sa ganap na alas-6 ng umaga para sa mga nagnanais mapabilang sa national men’s team habang ala-1 ng hapon naman magsisimula ang tryout para sa women’s team na kapwa gaganapin sa Arellano University Gym.
Tanging ang mga dadalo lamang sa tatlong araw na tryout na isasagawa muli sa Enero 28 at 31 ang may tsansa na makasama sa dalawang koponan na inaasam agad na mabuo upang irepresenta ang bansa sa 29th SEA Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang kababaihan ay isasabak din sa Asian Women’s Seniors Championship na gaganapin sa Maynila sa Hulyo bago ang pangunahing target na pagbabalik laro sa 29th SEA Games sa Agosto 19 hanggang 31.
Una nang ipinahayag nina Acaylar at Vicente na walang paboritismo na magaganap sa pagsasagawa ng tryout, kahit na sa mga kinikilala at popular na mga manlalaro sa bansa.
“We want a total commitment from the players, hindi naman ito para sa amin kundi para ito sa ating bansa,” sabi nina Acaylar at Vicente.
Maliban sa mga manlalaro ng Philippine Army na kasalukuyang nasa Basic Military Training, umaasang makakadalo sa tryout ang mga manlalaro mula sa mga ligang UAAP at NCAA, Philippine Super Liga at V-League.
Una nang sinabi ni Vicente na kahit na ang dating manlalaro ng Ateneo na si Alyssa Valdez ay hindi makakasama sa koponan kung hindi ito dadalo sa tatlong araw na tryout.
“She must join the tryout and show up at the gym. We want to be fair with everybody. If she wants to play for the national team, she must join the tryouts,” paliwanag ni Vicente. “It’s a tryout and there’s nobody gets any special treatment, even if it’s Alyssa who used to be my player. I respect her talent. But she must try out.”
“I have no doubt about Alyssa’s talent but she has to attend the tryouts. We want to see the commitment in the players. And we want to preserve the integrity of the volleyball community,” sabi pa ni Vicente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.