Oconer puntirya ang Ronda Pilipinas crown
MATAPOS tanghaling kampeon sa 2017 Brunei Cycling Classic dalawang linggo lamang ang nakakaraan ay nakatuon na si George Oconer ng Go For Gold na masungkit ang titulo na tanging napakailap at ilang beses na kumawala sa kanyang palad sa nakalipas na taon sa pagsabak sa LBC Ronda Pilipinas 2017.
Isa ang 24-anyos na si Oconer sa siklistang babantayan sa 14-stage na karera na sasambulat sa Pebrero 4 hanggang Marso 4 na matapos na magwagi sa isang araw na karera sa Bandar Seri Begawan at walisin ang dalawang qualifying race ng Ronda na isinagawa sa Subic noong Nobyembre at Bacolod noong Disyembre nakaraang taon.
“Matagal ko nang pinapangarap na magwagi sa Ronda Pilipinas at nararamdaman ko na ngayong taon ang pinakamagandang panahon dahil preparado na ako mentally at physically,” sabi ni Oconer, na ang pinakamalapit na pagkakataong masungkit ang korona ay noong 2015 matapos na pumangalawa sa two-time LBC Ronda champion na si Santy Barnachea.
Impresibo rin ang bagong buo na koponan ni Oconer na Go for Gold matapos magwagi sa team title sa karera sa Brunei upang ipakita ang kahandaan na hamunin ang mga beterano sa Ronda.
“We’re a young team but we’re ready to race,” sabi ni Go for Gold team manager Eds Hualda, na ang asawa na si Ronnel, ay siyang team captain ng koponan.
Ang iba pang miyembro ng Go for Gold ay sina Jerry Aquino, Jr., Jonel Carcueva, Elmer Navarro, Agustin Queremit, Ryan Cayubit at Ismael Grospe.
Nakataya ang pinakamalaking P1 milyong premyo sa tatanghaling kampeon mula sa presentor na LBC kasama ang major sponsor na Mitsubishi, Petron, ASG Group, Dans360 at Donen sa karera na may pahintulot ng PhilCycling sa ilalim ng pangulo nitong si Abraham “Bambol” Tolentino.
Ang iba pang koponang kasali ay ang Navy, Neopolitan, Ilocos Sur, Iloilo, Mindanao, South Luzon, Kinetix Lab-Army, Bike Extreme, Zambales, Salic at One Tarlac.
Ang pangunahing karera ay magsisimula sa Pebrero 4 na may dalawang yugto sa Ilocos Sur at dadaan sa Angeles (Peb. 8), Subic (Peb. 9), Lucena, Quezon (Peb. 12), Pili, Camarines Norte (Peb. 14 at 16), Daet (Peb. 17), Paseo Sta. Rosa sa Sta. Rosa, Laguna (Peb. 19), Tagaytay at Batangas (Peb. 20), Calamba at Antipolo (Peb. 21), Bacolod, Don Salvador at San Carlos (Peb. 28) bago magtapos sa pares ng karera sa Iloilo City (Marso 3 at 4).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.