ILALATAG ng Philippine Sports Commission (PSC) ang hangad nitong direksiyon at nais na pagbabago sa sports sa bansa sa pagsasagawa nito ng tatlong araw na konsultasyon at pagpupulong na magsisimula ngayon sa Tagaytay Highlands sa Tagaytay City.
Ilan sa mga ilalatag ng PSC sa ipinatawag nitong pulong ay ang magiging bahagi ng Philippine Sports Institute sa lahat ng paghahanda at pagsasanay ng mga pambansang atleta at national pool at pagtatakda ng direksiyon sa komunidad ng sports sa susunod na apat na taon partikular ngayong 2017 hanggang 2020.
Inaasahan din na aalamin ng PSC ang lahat ng pangangailangan ng mga lalahok na 37 national sports association sa 29th Kuala Lumpur Southeast Asian Games na gaganapin sa darating na Agosto pati na rin sa 2018 Asian Games, 2019 Manila SEA Games at 2020 Tokyo Olympic Games.
“We would be delighted to have you present in this consultation to share with you the plans and programs of the commission for the future of Philippine sports,” nakasaad sa imbitasyon ni PSC Chairman William Ramirez para sa mga pangulo at secretary-general ng mga NSAs.
Ipapaalam din ng PSC ang ilang bagong polisiya ng ahensiya partikular sa pagbabahagi nito ng mga pondo para magamit sa paglahok ng mga pambansang atleta sa internasyonal na kompetisyon at pagtatakda ng susuportahan lamang nitong sasalihang mga torneo.
Hindi kasama sa pulong ang pagpili ng mga pambansang atleta na makakasama sa pambansang delegasyon sa paglahok sa 29th SEA Games dahil sa responsibilidad ito ng binuong POC-PSC Task Force bagaman nasa desisyon ng ahensiya ang mga susuportahang atleta base sa itinakda nitong criteria.
Nais ni Ramirez na matutukan at masuportahan ang mga pambansang atleta na siya nitong magiging pangunahing punto sa pagsasagawa ng dalawang araw na pulong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.