Sisihin si Pangilinan | Bandera

Sisihin si Pangilinan

Lito Bautista - January 06, 2017 - 12:10 AM

SAAN ka namin laging matatagpuan? Saan ka namin puwedeng makausap? Saan kami dapat pumunta? Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (1 Jn 3:7-10; Slm 98; Jn 1:35-42) sa Miyerkules bago mag-Epifania.

Alam ba ninyo, pagkalipas ng anim na buwan, kung saan puwedeng makausap si Digong (nakikipag-usap ba siya sa taumbayan o taong-Davao lang?), si Leni, ang mga senador at kongresista? At bakit naman kayo kakausapin ng tinitingala sa trono, bagyuhin man kayo?

Sa pagkakasangkot ng mga menor de edad sa mga krimen sa Barangay Bagong Silang, North Caloocan, ang sinisisi ng mga purok leader at tanod ay si (Sen.) Kiko Pangilinan, na kung minsan ay tinatawag nilang pangitlinan; o batas ni pangitlinan.
Kung nagulantang ang bansa sa pagkakapatay ng pito katao, karamihan ay mga menor, ikinatuwa, bagkus, pa ito ng kanilang biktima ng panggugulo at iba pang krimen.

Habang nagra-riot halos gabi-gabi, sinasayawan lang ng mga menor ang mga tanod. Kapag may nabasag na bintana ng bahay at kotseng nabato, huhulihin ng mga tanod ang ilang menor. Pagkalipas ng isang oras, nasa kalye na naman ang mga menor dahil sa batas pangitlinan.

Maging mga pulis ay ayaw na ring hulihin ang mga menor, kahit na sila’y nasasangkot pa sa droga, nang dahil sa batas pangitlinan. Sa tanggapan ng katarungang barangay, hindi binibigyan ng certificate to file action ang reklamo kontra menor na nakabato ng kotse, bagkus sinisikap na pagbayarin na lamang ang respondent, na hindi naman nangyayari.

Galit ang mga taga-Bagong Silang sa matakaw na kumaintarista na nais gawing martir ang mga menor na napatay sa Bagsak, Phase 8A. Ang kumaintarista ay nag-iisa na kumakampi sa mga menor. Maging pulis ay nagsabi na dapat sampolan ang mga yan. Saglit na tumahimik ang Phase 8A nang umulan ng bala.

Pero, wala pang isang linggo sa pagkakapatay sa mga menor sa Bagsak, apat katao naman ang pinasok sa bahay at pinatay, sa Bagong Silang din. Isang araw noong Nob. 2016, 23 ang napatay sa Bagong Silang sa magkakahiwalay na Phase. Dapat tumira ng isang buwan ang matakaw na kumaintarista sa Bagong Silang.

Dahil sa araw-araw na patayan sa droga sa Bagong Silang, nabawasan ang mga user at adik na may utang sa tulak. Ang mga baun sa utang ay pinatay na sa Balwarte at Dose. Pero ang tulak na may malaking utang sa dealer ang siyang pinapatay, tulad ng nangyari sa Bagsak. Di sangkot ang pulis diyan.

Kahit wala pang isang taon, sige Digong, patayin mo ang mga salot sa droga. 30 taon na ay di pa rin kaya ng Colombia na lutasin ang problema sa droga. Ang Mexico, 10 taon nang bigo. Mas malaki ang problema ng Indonesia, Malaysia, Thailand at China, kahit pinapatay nila ang mga tulak.

Hindi dapat sisihin ang Diyos kung wala siya sa problema sa droga. Talagang wala ang Diyos sa problema sa droga, dahil mismong ang tao ang nag-alis sa Diyos habang siya’y nagdo-droga. Di kaya ng exorcist ang naalihan ng demonyo kung mas pipiliin niya ang demonyo kesa Diyos.

Marurupok na ang mga buto ng mga pensyonado ng SSS, pero naghihimagsik sila sa mga pangakong eleksyon, noong Okt., Nob., Dis., 2016 at Enero 2017 hinggil sa P2,000 umento. Pako ang lahat ng ito. Bakit ang maanomalyang CCT ay bilyones ang inilaang pondo nang walang imbestigasyon kung saan napunta ang pera ng taumbayan? Kung puwedeng sindihan ng posporo ang sinungaling na gobyerno.

Dapat mag-martial law si Digong para masubukan ang bulok na Saligang Batas ni Corazon Aquino. Kung katig ang Kongreso sa martial law at ayaw ng Supreme Court, madaling makapagdedeklara ng revolutionary government si Digong. Inilarawan ni Caspar Weinberger ang Cory Constitution na “inexact.”

Mapamahiin pala si Bato (nang umusok si “D5” at ikinatakot niyang sasabog na ito). Tahimik ang matataas na opisyal sa Crame, lalo na nang bakbakan niya ang mga pulis-droga “Pabayaan na lang siya at sesemplang, o madadapa rin yan,” anang opisyal K. Ang tingin ng ilang matandang tinali sa Crame, kulang pa ang utak ni Bato.

PANALANGIN: Bilang pagbabayad sa aming mga kasalanan, iniaalay ko sa Iyo, Jesus, ang paghihirap ko sa araw na ito. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

MULA sa bayan (0916-5401958): May oras ang serbisyo ng tubig-Maynilad sa North Metro, gayung bayad naman kami sa konsumo. …9864

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending