Update:6 patay, 100 preso nakapuga sa Cotabato
Mahigit 100 preso ang nakatakas mula sa North Cotabato District Jail ng Kidapawan City matapos salakayin ng mga armado, na tila nang-rescue ng mga kasamahan, ang pasilidad Miyerkules ng umaga, ayon sa mga toridad.
Napatay sa pag-atake ang isang jailguard, habang limang presong nakatakas ang napatay sa pagtugis ng Bureau of Management and Penology, pulisya, at militar.
Sa kabuuang 1,511 preso, umabot sa 158 ang nakatakas mula sa pasilidad na nasa Capitol Complex, Brgy. Amas, sabi ni Superintendent Peter John Bongngat, provincial jail warden.
Aabot sa 100 armado ang umatake dakong ala-1, gamit ang matataas na kalibreng baril laban sa 21 jailguard, sabi ni Bongngat sa isang panayam sa telebisyon.
Nabaril si JO1 Excell Rey Vicedo at dinala pa sa Provincial Hospital, ngunit binawian alas-3:36, ayon sa ulat ng pulisya.
“I think 100 plus ang umatake… Outnumbered po [ang jail guards at] kung pag-uusapan ang firepower capability, hindi po kakayanin ang high-powered guns nila,” ani Bongngat.
Nakatanggap umano si Bongngat ng impormasyon na isang “breakaway group” ng Moro Islamic Liberation Front ang sumalakay, para itakas ang ilang nakakulong na kasamahan.
Sinamantala naman umano ng iba pang preso ang gulo, para makatakas din sa pamamagitan ng hagdang gawa sa mga kahoy na kama.
“Sinamantala na lang ng iba doon… Sa palagay ko hindi naman lahat dun target personalities to be rescued, nagkaroon lang ng opportunity na sinamantala nila kasi nakita nila na may hagdanan na ‘yung mga tumakas,” ani Bongngat.
Nagpadala ng tauhan ang pulisya at militar para tulungan ang BJMP na tugisin ang mga tumakas.
Isang preso, na nakilala bilang si Jason Angkanan ng Kabacan, ang nadakip ng ng mga barangay tanod dakong alas-2.
Kahapon ng hapon, umabot na sa limang preso ang napatay sa pagtugis ng mga awtoridad, ani Superintendent Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Nakilala ang lima bilang sina Allan Jay Fabro Tolentino, Joey Regner Aranas, Rapacon Dimaluan Ambolodto, Edfel Bautista Liscano, at Adonis Ray Ferrafen, ani Galgo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.