Sino ang ipapalit kay Asi? | Bandera

Sino ang ipapalit kay Asi?

Barry Pascua - December 30, 2016 - 10:00 PM

PROBLEMA! Problema!

Iyan ang sasalubungin ng NLEX Road Warriors sa pagsisimula ng taong 2017 matapos na lumabas ang balitang hangad ng beteranong si Paul Asi Taulava na ipamigay sa ibang koponan upang magkaroon ng magandang playing time at maging maganda naman ang nalalabing panahon niya sa liga.

Hindi na kasi bumabata si Taulava na sa edad na 43 ay siyang pinaka-senior citizen sa Philippine Basketball Association. Subalit kahit na matanda na siya ay nakapagbigay pa rin siya ng magagandang numero noong nakaraang season na naging dahilan upang maging miyembro siya ng Mythical Second Team ng liga.

Pero sa pagpasok ng bagong season at pagkuha ng NLEX ng bagong coach sa katauhan ng multi-titled na si Joseller “Yeng” Guiao ay nagbago ang ihip ng hangin para sa career ni Taulava.

Nang kunin ng NLEX si Guiao bilang kahalili ni Boyet Fernandez matapos ang nakaraang season, natural na nakahanda ang pamunuan ng Road Warriors na yakapin ang prinsipyo ng kanilang bagong coach.

Hindi naman pipitsuging coach si Guiao, e. Siya ang third winningest coach sa kasaysayan ng liga. Nabigyan na niya ng kampeonato ang tatlong prangkisang kanyang hinawakan bago nalipat sa NLEX. Nagwagi siya ng titulo bilang coach ng Swift/Sarsi, Red Bull at Rain or Shine. So, dinadala niya ang distinction na ito sa kampo ng Road Warriors.

At naniniwala ang lahat na kaya niyang mapagkampeon ang NLEX. Ito ay kung yayakapin ng kanyang mga manlalaro ang kanyang sistema.

E, hindi naman puwedeng overnight transformation ang mangyari dahil hindi madali ang sistema ni Guiao. Takbuhan ito. At lahat ay may pagkakataong magpakitang gilas. So, equal opportunity for everybody ang prinsipyo ni Guiao.

Ano ang masama roon?

Wala naman, di ba?

Ang problema ay hindi nga bata si Taulava at mahihirapan siyang sundin ang gusto ni Guiao. Gusto niyang sumunod pero hindi naman puwedeng diktahan ang kanyang mga paa na tumakbo nang mabilis.

At dahil sa hindi siya makasunod sa gusto ni Guiao, natural na malimitahan ang kanyang playing time. Natural na hindi na sila magkakaintindihan. Dahil dito ay lumapit na si Taulava sa presidente ng NLEX na si Rodrigo Franco noong Miyerkules upang hingin na mai-trade siya.

Siyempre, it all boils down to a choice between Taulava and Guiao. At dahi sa naniniwala ang NLEX sa kakayahan ni Guiao, okay lang na ipamigay si Taulava.

Kailangan nga lang na makakuha ng magandang kapalit ang Road Warriors. Kahit na matanda na si Taulava ay may value pa rin siya at hindi puwede na basta-basta manlalaro ang maging kapalit niya. Nararapat lang na de-kalidad din ang makuha ng NLEX.

Mayroon bang koponang magpapamigay ng de-kalidad na manlalaro upang makuha si Taulava?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tingnan natin kung ano ang kalalabasan ng panibagong teleno-BOLA ng PBA!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending