2016 Bandera Sports Athlete of the Year: Hidilyn Diaz | Bandera

2016 Bandera Sports Athlete of the Year: Hidilyn Diaz

Dennis Christian Hilanga - December 27, 2016 - 03:00 AM

hidilyn diaz new

MATAGAL-TAGAL ding nabokya ang Pilipinas sa prestihiyosong Olympic Games.

Sa katunayan, inabot pa ng 20 taon bago tuluyang nagwakas ang pagkauhaw ng bansa na makakuha ng medalya mula rito salamat kay weightlifter Hidilyn Diaz.

Dahil matapos nga ang halos dalawang dekadang paghihintay, sinungkit ng tubong-Zamboanga na dalaga ang silver medal sa 53-kilogram weightlifting class matapos bumuhat ng kabuuang 200 kg (112 kg sa clean and jerk at 88 kg sa snatch event) sa nagdaang 2016 Rio de Janeiro Olympics sa Brazil nitong Agosto.

Ang makasaysayang tagumpay na ito ng 25-anyos na si Diaz ay tunay na panibagong pagkilala sa bansa at walang duda na siya ang karapat-dapat na hiranging ‘Athlete of the Year’ dahil sa natatanging karangalang ibinigay hindi lamang sa larangan ng palakasan kundi maging sa bawat Pilipino.

Itinaas ni Diaz sa kabuuang sampu ang medalya ng Pilipinas sa kada-apat na taong torneo simula nang sumali noong 1924. Ang podium finish niyang ito ay una para sa bansa na hindi galing sa boksing at ikatlong pilak na medalya kasunod nina boxers Anthony Villanueva (1964 Tokyo Games) at Mansueto ‘Onyok’ Velasco (1996 Atlanta Games).

Siya ang naging unang Filipino weightlifter, unang taga-Mindanao at unang Pinay na nanalo ng medalya sa Olympics. Siya rin ang unang Pinay weightlifter na lumahok sa Olympics ng tatlong sunod na beses.

Sa pagbabalik ni Hidilyn sa ating bayan matapos ang kumpetisyon, hiyawan, masigabong palakpakan at mainit na pagtanggap mula sa mga kababayang nag-aabang sa NAIA Terminal 3 ang sumalubong sa kanya. Tanaw sa kanyang mukha ang lubos na kasiyahan at pagkasabik lalo ng isabit nito ang medalya sa inang si Emelita na emosyonal na nag-aabang sa kanyang pag-uwi.

Sa isang maikling presscon na idinaos ilang sandali matapos ang pagdating sa bansa, sinabi ni Diaz na hindi pera ang kanyang habol sa pagsali sa palakasan kundi ang karangalan na maibibigay para sa bansa.

Isang hero’s welcome ang iginawad ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City sa muling pagbabalik sa kanyang hometown kung saan nakatanggap rin siya ng insentibo.

Bukod dito, si Diaz ang naging unang benepisyaryo ng Republic Act 10699 o ang National Athletes and Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act kung saan nakatanggap siya ng P5 milyong pabuya.

Nakakuha rin ang three-time Olympian — na isang reserved member ng Philippine Air Force na may ranggong Airwoman second class — ng P2 milyong bonus mula kay Duterte at P1.5 milyon naman mula sa Kamara de Representantes. Bukod pa ito sa house and lot na ibinigay sa kanya ng isang pribadong kumpanya.

Ngunit bago narating ni Hidilyn ang pinakamaningning na bahagi ng kanyang karera bilang atleta, hindi biro ang kanyang pinagdaanang hirap at pagsusumikap upang maabot ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Sampung taong gulang nang makahiligan ni Hidilyn ang weightlifting dahil sa kapitbahay na may gym sa bakuran nito. Mga dambel at barbel na gawa sa lata ng gatas na pinalamanan ng semento ang naging unang gamit niya sa pang-ensayo.

Dahil sa hirap ng buhay, umabot pa sa puntong pinatitigil na siya ng kanyang ina na mag-aral dahil sa kakulangang pinansyal lalo pa na hindi sapat ang kinikita ng ama sa pamamasada ng tricycle na noon ay may iniinda ring sakit sa atay.

Pero hindi nagpatalo si Hidilyn sa mga pagsubok na ito bagkus ay nagsilbi itong inspirasyon upang lalo pang husayan ang talento at sa tulong ng mga taong naniniwala sa kanyang kakayahan ay unti-unti niyang tinahak ang daan tungo sa minimithing pangarap.

Unang nagpamalas ng galing ang three-time Olympian sa 2003 Batang Pinoy Games kung saan nagwagi siya ng gintong medalya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa kanya namang unang sabak sa Olympics noong 2008 Beijing Games bilang wild card entry ng Philippine Weightlifting Association, tumapos siya sa ika-11 puwesto mula sa 12 kalahok habang ika-12 puwesto naman ang tinapos laban sa 19 na kakumpetensya sa 2012 London Games.

Wala pa sa isip ni Hidilyn ang pagreretiro at pinaghahandaan na niya ang 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia at 2020 Summer Olympics sa Tokyo, Japan kung saan target niya namang maibulsa ang gintong medalya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending