BILANG miyembro ng Southeast Asian Games Federation (SEAGF) ay makikiisa ang Pilipinas sa pagsasagawa ng “Baton Run” bilang panimulang aktibidad para sa nalalapit na 29th Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia simula Agosto 19 hanggang 31, 2017.
Ito ang sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) William “Butch” Ramirez matapos makipagpulong sa mga bumistiang opisyales at representante ng Malaysia na sina Ministry of Youth & Sports of Malaysia Nik Abd. Kadir NIIc Mohammad at Akmal Che Mustafa mula sa Embassy of Malaysia.
“We have a meeting with very important visitors from Malaysia Ministry of Youth and Sports. Pinag-usapan namin iyung isasagawa na Baton Run, na just like sa sports natin na athletics ay ipinapasa iyung baton sa kasamahan, na planong magsimula sa Pebrero 8,” sabi ni Ramirez.
Ang Baton Run ay magsisimula sa Malaysia at ipapasa ito sa ibang miyembrong bansa na Thailand, Indonesia, Cambodia, Singapore, Vietnam, Laos, Myanmar, Timor Leste, Brunei at Pilipinas.
Inaasahang darating sa bansa ang baton sa Marso 4 kung saan plano ng PSC na makapagbuo ng apat na grupo na siyang magsagawa ng simbolikong pagpapasa sa 2-kilometrong takbuhan bago ipasa ng Pilipinas ang baton patungo naman sa bansang Laos sa Marso 12.
“We will be one to pass the baton to Laos,” sabi ni Ramirez.
Magbabalik ang baton sa Kuala Lumpur, Malaysia bago magbukas ang ika-29 edisyon ng Southeast Asian Games na kung saan 38 sports ang paglalabanan ng 11 bansa. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.