Good news: Mga opisyal ng PNP tatanggap ng P50,000 hanggang P400,000 Xmas bonus
MALAKING bonus ang naghihintay sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police mula kay Pangulong Duterte.
Mula P50,000 hanggang P400,000 ang inaasahang tatanggapin ng bawat opisyal ng PNP bilang Pamasko ni Duterte dahil sa matagumpay na kampanya kontra droga. Ito ang inihayag ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
“That’s how much he (President) supports the PNP. Love na love niya ang PNP kaya lahat tayo happy,” sabi ni dela Rosa sa isinagawang Christmas party ng mga opisyal ng PNP at kani-kanilang pamilya sa Camp Crame.
Idinagdag ni dela Rosa na ito ang unang pagkakataon na magbibigay ang pangulo ng ng Christmas bonus sa mga opisyal ng PNP.
“Kunin n’yo pamasko n’yo ranging from P400,000 at pinakamababa P100,000 sa mga star-rank officers. Pinakamababa sa mga hindi star-rank mga P50,000. Okay na sa inyo ‘yon?” sabi ni dela Rosa sa mga opisyal na sumagot naman ng malakas na “Yes!”
Dahil sa siya ang pinakamataas na opisyal ng PNP, inaasahang tatanggap si dela Rosa ng P400,000.
Tatanggap naman ang iba pang may star na ranggong opisyal ng PNP command group, mga regional director, mga head ng national support unit ng P100,000.
Aabot naman sa P50,000 ang cash bonus ng mga opisyal na may ranggo mula Senior Superintendent pababa.
Idinagdag ni dela Rosa na makukuha na sa kanyang opisina ang mga bonus ng mga opisyal pagkatapos ng programa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.