Hindi ningas-kugon na polisiya sagot sa trapik sa Edsa
NITONG nakaraang mga araw ay nakita natin ang pagpapatupad ng MMDA ng paghihigpit sa mga provincial buses na bumabaybay ng Edsa.
Tulad ng marami pang ibang “experiment” ng MMDA, mabilis natin nakita na epektibo ang polisiyang ito kung mahigpit ang pagpapatupad. Subalit laging sa simula lang ito epektibo.
Ganito ang karanasan natin sa unang sigwada ng HPG sa Edsa, ang extended number coding, at iba pang experiment nila.
Ibig sabihin, kapag mahigpit ang pagpapatupad ng batas, epektibo ang lahat ng policies na gagamitin para maibsan ang trapiko sa Metro Manila.
Halimbawa rito ang “one lane policy” ng mga bus at truck sa C5. Naging “courteous” ang mga truck driver at masunurin sa polisiya dahil nararanasan nila ang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa lansangan.
At dahil walang humpay ang pagpapatupad ng batas, natuto ang mga drainer na sumunod at magbigay sa ibang kapwa motorista sa C5.
Nakapagtataka na ang tatlo sa mga siyudad na tinatawid ng C5 ay siya ring tatlo ng Edsa. Nakakagulat din na sa Edsa ay walang disiplina ang mga bus at truck pero sa C5 ay meron.
Sa Cubao hanggang Ortigas, sobrang gulo ang trapiko, walang linya at kanya-kanya. Pero sa Katipunan hanggang Libis ay nakapila sa designated lanes ang mga truck at bus na kahit masikip ay tuloy tuloy and daloy.
Hindi ba katulad ng C5 na mahigpit ang batas, sa Subic na ganun din ay maayos magmaneho ang mga driver.
Hindi ba dahil sa C5 at Subic ay sanay ang motorista na huhulihin kaya umaayos sa lugar?
Hindi kaya sa Edsa na naka-istambay ng tumpok ang mga enforcer at naghihintay ng lagay ay siyang dahilan kaya walang disiplina at takot ang mga makukulit na driver?
Kung magiging consistent lang ang enforcement ng batas trapiko, tiyak na kahit masikip ay matulin ang daloy nito.
Pero kapag laging ningas-kugon ang pagpapatupad nito ay hanggang simula lang lagi ito.
Auto Trivia: Ang Mitsubishi Motors sa Japan ay pag-aari na ngayon ng Nissan Motors.
Binili ito ng Nissan makaraan ang eskandalo na halos magpalugi sa Mitsubishi. Pinagaaralan ngayon ng Nissan at Mitsubishi kung paano nila sasamantalahin ang merger na ito ng ikalawa at ikalimang pinakamalaking car producers ng mundo.
May comment or suggestion? Sumulat po sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.