Ser Chief tinawag na universal leading man: Siguro common ako kaya puwede sa lahat!
AS expected, napuno ng tao ang paligid ng SM Megamall noong Biyernes (Dec. 9) dahil inabangan nila ang Parade of Stars ng “Mano Po 7: Chinoy” cast sa pangunguna nina Richard Yap, Janella Salvador, Marlo Mortel, Kean Cipriano, Jake Cuenca, Jana Agoncillo, Enchong Dee at Jean Garcia.
Ang direktor naman ng pelikula na si Ian Lorenos at hindi na nakasipot dahil naghanda pa ito sa kasal niya na gaganapin kinabukasan.
Bago umakyat ang buong cast sa Cinema 9 kung saan ginanap ang special screening ng “Mano Po 7” under Regal Entertainment ay nagkaroon muna ng Dragon Dance sa ground floor na naging trademark na ng “Mano Po” tuwing MMFF.
Habang abala ang lahat sa panonood sa Dragon Dance ay nakitang pinupunasan naman ni Jean ng pawis sa mukha ang leading man niyang si Richard Yap. Pero ang nagulat kami ay ang dami ng supporters ng tambalang Rich-Jean na sumugod sa premiere night.
Ang ganda ng chemistry ng Rich-Jean dahil bagay na bagay sila sa big screen at iisa nga ang sabi ng lahat ng mga nakapanood ng pelikula, “May new loveteam na naman!”
Oo nga bossing Ervin, nakawala na si Richard sa anino ng dati niyang leading lady na si Jodi Sta. Maria.
At sino ba ang mag-aakalang kakikiligan din pala ang tandem nila ni Jean na napakaganda sa pelikula. Sabi nga ng isang lalaking nasa premiere night, may asim pa rin ang aktres.
Anyway, binati namin si Richard dahil nag-level up na rin ang acting niya sa pelikula. Nagulat kami sa sagot ng aktor, “Sayang nga, eh, hindi naisama ‘yung love scene namin kasi sobrang haba na ng movie, actually, hindi naman sobrang love scene, intimate scene bilang mag-asawa.”
Sa pagkakaalam kasi namin allergic si Ser Chief sa kissing scene at love scene dahil nga pamilyado siyang tao at ayaw niya ng isyu. Inisip namin na baka nagbibiro lang siya dahil maganda ng mood niya nu’ng sandaling iyon dahil sa magagandang feedback sa kanilang pelikula.
Hirit naman ni Jean tungkol sa kanyang leading man, “Nahawa na kasi sa amin nina Enchong, wala kasi kaming ginawa kundi maglokohan sa set, puro kami tawanan, biruan at panay ang kain namin. Pero pag take na, seryoso na kaming lahat, after the take, balik na naman sa tawanan. Kaya wala siyang (Richard) choice.”
Baka naman kasi dahil crush siya ni Richard kaya laging maganda ang mood ng aktor. Natawang sabi ng aktres, “Nagulat nga ako nu’ng sinabi niya, sabi ko, ‘Ha?’ Hindi naman ako nailang kasi mabait ‘to (sabay tapik kay Richard). Kasi nag-enjoy nga kaming lahat, alam mo, isa ito (Mano Po 7) sa mga pelikulang nagawa ko na sobrang nag-enjoy ako.
“Kasi nagpunta kaming Taiwan, tapos ang tatakaw namin. Ang saya talaga. Hanggang ngayon mayroon kaming What’s Up group. Kasama si Melody (misis ni Ser Chief) sa Taiwan,” natatawang sabi pa ni Jean. Dagdag pa nito, “Sabi nga namin, hindi natin nagawa dito (love scene), so gawa tayo ng iba. Gawa tayo ulit ng movie. Maganda ang rom-com at drama.”
Hirit naman ng aktor, “Natutuwa kami sa reaksyon ng mga tao. Sayang nga, tulad ng sinabi ko, nawala ‘yung intimate scene, mas maganda sana.”
q q q
Puwede na ring matawag na universal leading man si Richard dahil maski kanino siya itambal ay bumabagay tulad nina Ai Ai delas Alas (My Binondo Girl), Jodi Sta. Maria (Be Careful With My Heart at Achy Breaky Hearts), at kina Maja Salvador at Ellen Adarna (You’re Still The One).
Natawang sabi ng aktor, “Siguro common ako kaya puwede sa lahat. Ha-hahaha! Type O (blood type) rin ako.”
Bukod sa hindi na stiff si Richard ay malaki na rin ang pagbabago sa acting niya sa “Mano Po 7” dahil siguro nakaka-relate siya sa karakter niya bilang Filipino-Chinese at hindi siya nahirapan lalo na sa pag-deliver ng dialogues in Chinese dahil lengguwahe niya ito.
‘Yun lang, kailangang suplado at masungit pa rin ang papel niya sa pelikula, “Kasi may pinagdadaanan ako sa movie, ‘yung kinalakihan kong family, hindi maayos, lagi akong pinapalo nu’ng bata, so dala-dala ko ‘yun. Tapos hindi ako showy sa emotions ko sa asawa ko at sa mga anak ko, but deep inside, I really love them.
“Saka pinag-usapan namin talaga ni direk na natural lang ‘yung acting ko kasi depende rin sa experience namin as Chinese, si direk Ian kasi Chinese rin, so madali para sa amin itong movie,” kuwento pa ng aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.