Morales wagi sa Hell of the Marianas race | Bandera

Morales wagi sa Hell of the Marianas race

Angelito Oredo - December 04, 2016 - 11:00 PM

BUONG tapang na binitbit ni Jan Paul Morales ang watawat ng Pilipinas matapos lampasan ang lahat ng balakid na sinuong sa ginanap na 2016 Hell of the Marianas upang talunin ang matinding pulutong ng propesyonal na riders at pagharian ang ika-10 edisyon ng karera nitong Sabado sa Saipan, Northern Mariana Islands.

Hindi ininda ng sprint expert na si Morales ang natamong ilang beses na aksidente bago nito tinawid ang finish line at tapusin ang karera sa loob ng tatlong oras, apat na minuto at 51 segundo.

Sumemplang si Morales habang binabagtas ang pababang ruta sa pagliko nito sa Suicide Cliff matapos na lumampas sa matinding kurbada upang maiwasang sumalpok sa isang kotse na nakaharang sa kalsada.

Nawasak din ang hulihan nitong gulong sa insidente matapos naman tamaan ng defending champion na si Ryutaro Nakamura na tumama sa likuran nito dahil nakasunod lamang ng ilang distansiya ang Japanese.

“Pababa doon sa may bangin na may delikadong kurba sarado at hindi masyadong kumapit ang gulong ko kaya dumulas dahil iniwasan ko rin iyong kotse na nakatigil doon sa inner lane imbes na doon sa gilid ng kalsada. Tapos naramdaman ko na lang may sumalpok sa akin sa likod,” sabi ni Morales.

Agad naman itong nakapagpalit ng gulong at kahit na may gasgas at sugat ay muling sumakay si Morales at hinabol ang lead pack tungo sa magandang Bird Island lookout at grotto. Unti-unti nitong nabawi ang 30-segundo pagkaiwan papunta sa Banzai Cliff at mabalik sa karera sa pagtahak sa flat road tungo sa Saipan International Airport.

Nagkaproblema muli ang miyembro ng Philippine Navy-Standard Insurance team matapos na magluko ang roller nito habang nakatakda nang isagawa ang atake. Agad naman itong naresolbahan ni coach Reindhar Gorantes.

Ilang Saipan-based Filipino cyclists ang nagnais na ipahiram ang bisekleta kay Morales na napag-iwanan ng ilang minuto bago naayos ang gamit na bisekleta.

Dito na nagpakita ng matinding determinasyon at pagtitiis si Morales na nakakabit sa lead pack na kinabibilangan ng kababayan na si Mark Lexer Galedo, 2014 champion Konstantin Fast at Nakamura.

Kasama rin sa grupo sina Aleksandr Dorovskikh, Japanese Makoto Morimoto at Filipino triathlete Joe Miller ng Ford Forza.

Kahit tatlong gear lamang ang gumagana, sinamantala ni Morales ang flat road upang unti-unting lumayo patungo sa finish line sa Marianas Resort & Spa. Siniguro nito ang panalo sa huling walong kilometro kung saan ginamit nito ang kanyang sprint skills upang lalong makalayo sa mga kalaban.

Tuwang-tuwa na ipinagbunyi ng mga pro-Pinoy crowd na nakapalibot sa finish line matapos makita si Morales na nag-iisang tinahak ang daan tungo sa finish line.

Pinilit pa ni Morimoto na habulin si Morales subalit hindi nito naabutan ang Pilipinong rider upang magkasya sa ikalawang puwesto sa oras na 3:05:53. Pumangatlo naman si Galedo para sa 1-3 finish ng mga Pinoy bets sa itinala na 3:06:18 oras.

Iniuwi ng Ronda Pilipinas two-leg winner na si Morales ang premyong $2,000 top prize habang nagkasya si Morimoto sa $1,500 runner-up purse at si Galedo sa $1,200.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tinalo nina Morales at Galedo sa 120-kilometrong karera na dumaan sa 70 kilometro na bulubundukin ang mga riders mula sa Japan, China, South Korea, Taiwan, Guam, United States at Russia.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending