Baron kailangang pagkaisahan na ng mga taga-showbiz
WALA na talagang pagbabago ang ugali ni Baron Geisler. Matindi ang pinakawalan niyang pangako ilang buwan pa lang ang nakararaan na talagang iiwasan na niya ang paglalango dahil sa kanyang maysakit na ina.
Sumusumpa siyang iiwas na sa paglalasing at itatapon na niya ang bisyong nagdala sa kanya ng imahe ng kawalan ng disiplina, pero niloko lang pala ng aktor ang kanyang sarili at ang publiko, dahil balik na naman siya sa dati.
Si Ping Medina naman ang biniktima niya ngayon, sa isang eksena nilang pinagsamahan sa isang pelikula ay lantaran niyang inihian ang kapwa niya aktor, ano na nga ba ang nangyayari sa buhay ng magaling pa namang umarteng lalaking ito?
Idinidenay niya ang pangyayari, pero ano naman ang dahilan para maglubid ng mga kuwento ng kanyang kabastusan si Ping, para lang sila mapag-usapan?
At ano kaya ang nasa isip ni Baron habang binababoy niya ang kanyang kapwa, na malulusutan na naman niya ang senaryo, tulad ng mga naging biktima na niya sa usapin ng ihian?
Dapat nang kumilos ang mga prodyuser at artista para matapatan ng parusa ang mga pinaggagagawa ni Baron Geisler. Ang paulit-ulit na pambabastos ay kailangan nang matuldukan, kailangan nang magkaisa ang mga kasamahan niya para magkaroon siya ng leksiyon, anumang sobra ay kinakalos na.
Ang pagbabago ay wala sa kanyang kapwa, lalong wala sa kanyang kapaligiran, sa kanyang sarili mismo dapat magmula ang pagbabago.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.