NAG-AALALA ang mga ordinaryong empleyado ng National Printing Office kung saan huhugutin ang kanilang mga sweldo bilang isang ahensyang umaasa rin sa pasok ng mga proyekto.
Sa aking radio program sa Radyo Inquirer 990AM ay nakausap ko ang pinuno ng National Printing Office Workers’ Association (Napowa) na si Rosa Munoz.
Ikinuwento ni Munoz kung paanong namaniobra ang P74 million contract na ipinasok sa kanila ng Social Security System sa pamamagitan ng pag-print ng kanilang mga contribution forms.
Ang nasabing kontrata ay nakuha ng Western Visayas Printing Corporation pero kalaunan ay napasok sa eksena ang iba pang mga security printers.
Kabilang dito ang Best Forms security printer na may envelope no. 08-2016-3877A para sa 395,000 pads ng SSS accountable forms na nagkakahalaga ng mahigit sa P34 million; Tri-Print Work na may work order na 08-2016-3877B para sa 200,000 pads na may halagang P17 million at Metro Color company na may work order no. 08-2016-38777C para sa 175,000 SSS pads na may halaga namang P15 million.
Sa tatlong ito, pinaka-kontrobersiyal ang Tri-Print Work dahil nagpa-subcontract pa ito sa JAT Printing na hindi naman accredited ng NPO.
Lalo pang naging kontrobersiyal ang Tri-Print dahil dalawa rin daw ang business address nito, isa sa Valenzuela City at isa sa Mandaluyong City.
Sa aking pagtatanong sa ilang NPO insiders ay kanilang sinabi na isang alyas “Monyo” ang nasa likod ng pagbabago ng mga kontrata sa ahensya.
Si Monyo na isang umanong opisyal sa NPO ay nagpapakilalang malakas kay Pangulong Rodrigo Duterte kaya nalagay siya sa pwesto kasama ang kanyang mga bagmen na sina Rachel at Paul na in-charge para sa goodwill money.
Alam naman nating galit sa katiwalian ang pangulo kaya tiyak na hindi niya kukunsintihin ang kanyang mga tauhan na gahaman sa paggawa ng pera sa mga kontrata sa pamahalaan.
Nagsalita na rin sa isyung ito si Sen. Tito Sotto ay kanyang sinabi na dapat itong imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sinabi naman ng ating Cricket sa NPO na personal niyang ipararating kay Sec. Martin Andanar ng Presidential Communications Office ang isyu dahil sakop ng kanyang tanggapan ang naturang ahensya.
Si “Monyo” na sinasabing nasa likod ng pagmamaniobra sa ilang kontrata sa NPO ay si Mr. C….as Creepy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.