Mapua tinisod ng San Sebastian sa NCAA women’s volley
TINALO ng San Sebastian ang Mapua, 25-13, 25-17 at 25-13 kahapon upang sumalo sa tatlong koponang liderato kasama ang defending champion St. Benilde at giant-slayer San Beda sa women’s division ng 92nd NCAA volleyball tournament sa San Juan Arena.
Sinandigan ng Stags ang back-to-back MVP na si Grethcel Soltones sa tinipon nito na pitong hits habang tumulong sina Katherine Villegas at Nikka Mariel Dalisay sa pagtala ng siyam at walong puntos na nagtulak sa SSC-R sa ikawalang sunod na panalo.
Ang dominanteng panalo ay matapos naman itakas ng San Sebastian ang mahirap na laban kontra Arellano University na umabot sa limang set, 23-25, 26-28, 25-19, 25-18 at 15-12 kung saan umiskor ang power-hitting na si Soltones ng season-best 25-puntos.
Ang Lady Cardinals, na pinamunuan ni Katrina Racelis na may walong puntos, ay nahulog sa kanilang ikalawang sunod na pagkatalo.
Sa men’s division, tinalo ng Mapua ang San Sebastian, 25-19, 23-25, 25-22 at 25-21 upang saluhan ang San Beda sa liderato na may dalawang panalo. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.