Team Pacquiao nagkampeon sa blitz chess tourney
UMISKOR ng kabuuang 12 match points ang 11th seed Manny Pacquiao Chess Friends (MPCF) upang sorpresang angkinin ang korona sa team blitz Sabado sa 2016 Inter-Commercial Inter-Government Individual/Team Blitz and Rapid Chess Championships sa Makati City Hall.
Dinaig ng MPCF squad nina National Master Hamed Nouri, Sherwin Tiu, Ricardo Batcho at dating Philippine Basketball Association player Zaldy Realubit ang karibal na 50 teams sa dalawang araw na pisakan ng utak kung saan tumutulak pa kahapon ang blitz individual pati ang rapid individual at team events.
Nauwi ng apat na player na palagiang nakakalaro si reigning World Boxing Organization welterweight champion Manny Pacquiao ang trophy, gold medals at P10,000 cash prize.
Iginawad sa kanila ito ng mga opisyal nang mga nagpalaro na Artillery Foundation of the Philippines, Inc. na sina Col. Emmanuel Martin (secretary-general) at Col. James Ramon, Sr. (board member) at National Chess Federation of the Philippines executive director Grandmaster Jayson Gonzales.
Nagtala ng anim na panalo at isang tabla ang MPCF sa pagprimera dahil sa bentaheng isang buong puntos sa sumegundang seventh seed Far Eastern University Manila-A nina Woman GM Janelle Mae Frayna, Andrea Blanca de Vera, Jeth Romy Morado at Romy Fragon na nagkamit ng P7,000, trophy at medals.
Himalang tumersera ang ninth seed Apocalypse Chess Team nina International Master Ronald Bancod, Chester Caminong, Christopher Rodriguez at Paul John Lauron sa 11.0 match points pero naungusan ng FEU Manila-A sa tiebreak points (17.5-17.0) para makadale rin ng tropeo, medalya at premyong P4,000.
Lumagak lang sa ika-31 puwesto ang GM Oliver Dimakiling-led 29th seed Team Orbe, nasa 49th spot ang tinrangkuhan ni GM Ronald Dableo na 17th seed Acxent Glass B at ang pinamunuan ni GM Darwin Laylo na fifth seed Acxent Glass A.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.